“Muntik na kaming lasunin ng nanay ko dahil sa tatay kong babaero.”

June 20, 2022

“MUNTIK NA KAMING LASUNIN NG NANAY KO dahil sa tatay kong babaero.”

 

 

Dear DJ Raqi,

 

Itago mo ako sa pangalang Julie

 

Noong nasa limang taon palang ako, naaalala ko na kahit paano ay maayos ang buhay namin. Buo ang aming pamilya, isang freelance technician ng  appliances  ang tatay ko at may tindahan at karinderya  naman ang nanay ko. Meron din kaming motor na kumikita ng  boundary araw-araw. Simpleng buhay pero hindi naghihikahos.  Sa tuwing uuwi galing sa trabaho ang tatay ko, lagi siyang may pasalubong. Pinaparamdam niya ang pagmamahal niya sa aming pamilya.. Hanggang sa nag walong taon ako , naisipan niyang magtayo ng sariling shop sa ibang bayan. Noong una ay araw-araw siyang umuuwi hanggang sa dumalang na at weekly na lang kung umuwi.. Lungkot na lungkot ako non dahil Tatay’s Girl talaga ako. Isang araw, umuwi siya sa amin ng wala sa schedule, pansin ko na may pasa siya sa mata niya.. Hindi niya ako pinansin noon. Pumasok siya sa loob ng bahay, sinundan ko sya pero dedma lang ako sa kanya.. Sa murang edad ay nakaramdam ako ng kakaiba. Malaki na ako ng malaman ko sa nanay koang nangyari. Nagkaroon daw pala ng karelasyon ang tatay ko at nahuli sila ng asawa ng karelasyon niya doon sa shop.. Ginawan ng paraan ng nanay ko  para hindi siya makulong.

 

Para makaiwas sa gulo at makalimot na sa nangyari, nagbalak um-abroad ang tatay. Nag-stay siya sa Maynila habang inaasikaso ang papeles niya, pero nung panahon na yon, usong uso ang napepeke at isa sa nabiktima ang tatay ko.. Dahil sa kahihiyan, hindi muna umuwi ang tatay ko sa probinsiya namin.. Nag-stay siya sa Maynila. At habang walang pinagkakakitaan, nagsasakripisyo ang nanay ko na  lumuwas at hatiran siya ng pera. hindi pa kasi uso ang online remittance noon. Walong oras ang binibiyahe niya para makarating sa maynila. Sa panahon na yon, kinakapos na kami.. Dahil mag-isa na lang na kumakayod ang nanay  saka naisara na rin ang  maliit na negosyo niya.  Nagtatanim na lamang siya ng gulay sa bukid at lahat ng kita noon ay dinadala niya kay Tatay.  Naibenta na rin kasi ang mga gamit at tricycle namin nung panahong napeke ang tatay ko.. Tapos ang mga kamag anak ng tatay ko, pinag iisipan pa ang nanay ko na nanlalalaki daw dahil madaling araw siya umaalis.. Iniiwan daw kami ng kuya ko sa bahay para lang sa lalaki.. Kasi nga ang alam nila ay nasa abroad na si tatay. Sobra ang naging bigat ng loob nanay ko.. Hirap na hirap ang kalooban niya, lalo na ng malaman na muli ay mambababae ang tatay ko. Tinimbrehan siya ng kaibigan ng tatay ko na tiyempuhan niya ito sa pagluwas para maabutan niya. At ginawa nga ito ng nanay ko. Nahuli niya si tatay at babae nito.. Humingi  ng tawad ang tatay at nangakong hindi na niya ito uulitin.. Muli ay sumubok itong umabroad pero this time ay natuloy na siya, kahit nagkabaon-baon na kami sa utang.

 

Fast forward…. noong nasa abroad na siya, hindi kami nakakatanggap ng padala niya dahil deretso itong pinapadala sa kamag anak ni tatay na pinagkakautangan namin. Pumupunta pa nga si nanay doon para lang makiusap na kahit kaunti ay abutan niya naman kami dahil wala na kaming makain. Sa ganong sitwasyon ay natuto nang kumuha ng labada ang nanay, kahit na dati ay siya ang umuupa sa naglalaba. Natutong mamasukang parlorista.. Nagtinda ng goods from divisoria..  Nung hindi na makayanan,  ay nakita ko na tila na-depress si nanay. Hindi na siya bumabangon sa kama na dati  ay maaga siya at  inaasikaso niya kaming magkapatid para sa pagpasok sa eskuwela. Lagi siyang umiiyak at  hindi kumakain.. Buti na lang at may talbos ng kamote kaming nakukuha sa bakuran at yun ang nagtatawid sa gutom naming magkapatid. May pagkakataon din na pinapapunta na lang  kami ni nanay sa mga kamag-anak niya para dun kami kumain magkapatid. Hindi siya lumalabas ng bahay, dahil na rin sa mga pinagkakautangan. Hindi ko alam na noong panahon pala na yon ay MUNTIK NA KAMING LASUNIN NG NANAY KO para di na raw namin maramdaman ang hirap.. Mabuti na lang ay nagabayan pa rin ng Panginoon ang isip ni nanay at hindi niya ito nagawa… Sa murang edad ay nalaman ko na di na normal ang aming pamilya.. Hanggang tuluyan na nga  hiniwalayan ng tatay ko ang nanay ko,  dahil nakabuntis siya sa abroad. Pinili niya ang babae niya kahit anong pagmamakaawa ang gawin ng nanay ko na huwag sirain ang aming pamilya.

 

Naiisip ng nanay na ilipat na lang kami ng pag aaral ng kuya ko sa probinsiya nila.. Tumira kami sa bahay ng Lolo’t Lola. Doon ay nakaramdam muli ako ng isang  pamilya kahit sa isang banda ay alam kong may kulang pa rin. Ang nanay noon ay naghanap ng pagkakakitaan.

 

Fast forward… Nakakilala ang nanay ng makakatuwang niya sa buhay. Tumira sila sa Maynila. High school na ako noon. Ang kuya ay pinagsabay ang pag-aaral at trabaho sa maynila. Naiwan ako sa probinsiya. Hindi nagkukulang ang nanay ko sa pagsuporta sa amin. Tinutulungan din ako ng mga tiyahin at tiyuhin ko sa aking mga pangangailangan, lalo na sa pag aaral. College na ako nung malaman ko na si tatay  ay naging dalawa na ang anak at nabalitaan naming umuuwi na siya kasama ang babae niya, after 5 years,  bumalik na lang ulit mag isa sa abroad ang tatay. Sa apat na taong pag aaral ko sa college ay dalawang beses ko lang nakita ang tatay. Isa nga don ay kasama pa niya ang bago niyang asawa na nakitaan ko ng di magandang ugali. Malayong-malayo kay nanay. Nung panahon na yon ay magaan ang pakiramdam ko pag di ko nakikita ang tatay at gumugulo naman   tuwing darating siya. Sanay na ako na wala siya sa buhay ko. Nung mga panahon ding yon ay iba na ang pinagdarasal ko. Kung dati ay sana mabuo ang family namin,  ngayon ay sana huwag maranasan ng mga anak niya ang dinanas naming magkapatid… Ngunit minsan ay nakatanggap ako ng text, mula sa aking half brother, na di ko alam kung paano niya nakuha ang number ko. Sinasabi niyang BAKIT GANON ATE? BAKIT NAGHANAP NG IBA  ANG PAPA? Nalungkot ako sa sinabi niya… HIndi ko alam kung ano ang ire-reply ko.. Hindi na nagbago ang tatay!! Hindi niya naiisip ang pinagdaraanan ng mga anak niya na wala siya sa mga tabi nito.. Hindi niya alam ang epekto sa mga anak pag walang Ama na gumagabay at nagbabantay. Ako mismo ay nakaranas ng mga pangmomolestiya nung bata ako pero di ko sinasabi sa Nanay dahil ayokong maiskandalo kami at higit sa lahat, ayokong problemahin pa ako ng nanay ko. . Buti na lang  talaga at kaya ko ang sarili ko. Salamat sa Diyos,  hindi Niya hinayaang mapahamak ako. Maraming pangyayari at sitwasyon sa buhay ng bata  na malaki ang epekto pag broken family. Mga iyak ng anak na di mailabas kundi kinikimkim na lamang. Kung may magagawa ka nga lang para pigilan mo ang iyong mga magulang… Pero wala e… . Dahil bata pa, hindi nila kinokonsulta ang anak nila.. Malalaman mo na lang pag nakapagdesistyon na sila para sa sarili nila..

Sundan ang kwento ni Julie rito sa Raqi’s Secret Files.

Comments

We use cookies to ensure you get the best experience on LoveRadio.com.ph. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies... Find out more here.