“May iba na agad si papa, gano’n niya kabilis napalitan ang mama ko.”

September 12, 2022

“May iba na agad si papa, gano’n niya kabilis napalitan ang mama ko.” 

Hi DJ Raqi at sa lahat ng listeners ng Love Radio. Bata pa lang ako ay mahilig na akong makinig sa mga programa ng Love Radio kaya nang mapakinggan kita at narinig kong may ganitong klaseng programa ay hindi na akong nagdalawang isip pa na mag-share ng aking kwento. 

Itago mo ako sa pangalang “Rhen” at ito ang aking Secret File. Sisimulan kong ikumpara ang istorya ko sa isang perpektong picture frame. Oo, tama kayo ng narinig dahil para sa akin ay perpekto ang ayos ng aking pamilya. Marami man kaming problema, wala man kaming pera, at marami mang nang-aalipusta sa amin pero masasabi ko na perpekto pa rin ang pamilya namin dahil matatag kami at malayo kami sa mga sakit at kung ano-ano pa.  

Mayroon akong mababait na magulang at supportive na mga kapatid kaya nga masasabi ko na lang na wala na akong mahihiling pa, at syempre ang pinaka-close ko sa lahat ay ang aking mama. Sa totoo lang, daig niya ang isang superhero dahil palagi siyang nandiyan para sa iyo, palagi ka niyang susuportahan sa lahat ng gusto mo kaya nga ang swerte ko na siya ang naging nanay ko. Matapang ang mama ko, ayaw niya na inaapi kami ‘yung tipong hindi kami kinakausap ng maayos ng ibang tao eh nagagalit siya, ayaw niya na binabastos kami. At, palagi siyang nangungumusta, mapa-personal man ‘yan o through text pa.  

Alam kong sobrang laki ng sakripisyo ng mga magulang ko para sa pag-aaral ko sa kolehiyo kaya sinikap kong makapasa kahit na mahigpit ang ibang mga professor ko. At, bilang ganti sa kanila, pinaghahanda ko sila ng almusal bago sila umalis dahil ayaw kong nagugutom sila lalong-lalo na si mama. Kung minsan nga ay ginagawa ko pa siya ng baon at natutuwa ako na sa tuwing uuwi siya ay walang laman ang lunchbox niya kasi ibig sabihin naubos niya.  

And itong January, hindi na ako nakapag-enroll sa school dahil kinulang ang pera namin. Nakaramdam ng pagkadismaya ang mama ko kasi hindi man lang niya ako na-enroll. Nag-message pa nga siya sa akin sa FB na “Anak, sorry, ha. Gusto kong sumigaw, umiyak, maglupasay dahil hindi ko maibigay ang nararapat para sa iyo. Sorry, anak kung hindi kita naipasok sa school. Sorry, ako ang naging mama mo.” Pagkatapos kong mabasa iyon, eh nakaramdam ako ng matinding kalungkutan. Sa isip-isip ko, bakit naman masyadong sinisisi ni mama ang sarili niya, dahil lang sa gano’ng bagay? Dahil naniniwala ako na hindi man ako makapag-aral ngayon, eh makakapag-aral uli ako balang araw kapag may pera na kami, hindi naman kailangang pilitin, eh. Kaya ang ginawa ko eh kinausap ko ang mama ko at sinabi ko sa kanya na huwag niyang sabihin ang mga iyon dahil kahit na anong mangyari ay ang importante, eh, ang relasyon namin, ang importante ay ang pagsasama namin. Sabi ko nga, “Huwag mong isipin ‘yun, ma. Babawi tayo, gagawa tayo ng paraaan para makapag-enroll ako next sem.”  

Natuwa ang mama ko sa akin kaya mas lalo siyang nag-effort magtrabaho, lahat na yata ng sideline pinasok niya para lang may maiwan silang pera sa amin, para mabayaran ang utang namin. Nagkataon pa nga na binilhan niya ako ng cake dahil alam niya na masaya ako kapag nakakakita ako ng cake, stress reliever ko kasi iyon. Hanggang sa nagkaroon na ng lockdown pero ang mama ko sige pa rin sa pagtatrabaho, laban lang nang laban para lang makahanap ng pera. Nakapakamaparaan ng mama ko. Wala talaga akong masabi sa kanya. Hanggang sa isang araw, nagulat na lang ako may kausap si mama na mga installer ng aircon, nagpakabit siya ng aircon at pinaayos ang bintana sa bahay namin pati mga kisame. Nag-iwan pa nga siya sa akin ng sampung libo, sabi niya “Anak, itabi mo ito para iipunin natin ito hanggang sa makapag-enroll ka.” Grabe ‘yung kagalakan ng puso ko that time, nakikita ko na makakapag-aral na uli ako. Sinasabi ko pa nga kay mama na natupad na niya na lahat ng pangarap niya dahil napakabit na niya ang aircon, pati mga bintana napaayos niya sa gusto niya, at masaya ako para sa kanya dahil sulit lahat ng pagod niya, lahat ng sakripisyo niya ay worth it. Masaya lang ako no’n kaya lang syempre hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay masaya tayo. Ang hindi ko inaasahan ay ang mararamdaman ko sa sumunod na araw. Habang natutulog ako eh nagising ako sa sigaw ng papa ko, ‘yun pala eh bumagsak ang mama ko sa sahig. Grabe ang kabog ng dibdib ko no’n, DJ Raqi, para akong may mabigat na bakal na kwintas, sobrang hirap sa kalooban na makita mong namumutla ang mama mo at nanghihina. Sabi ko nga sa sarili ko no’n, sana panaginip lang ang lahat ng ito. Hanggang sa dinala na nga si mama sa hospital at sa kasamaang palad ay do’n na siya binawian ng buhay. Nalaman ko na lang nang sabihin sa akin ni papa na may brain aneurysm pala ang mama ko. Well, hindi naman nagpapa-checkup ang mama pero ang lagi niyang sinasabi noon na “Kapag may nararamdaman na sakit ay huwag maglilihim, ha.” Pero siya pala itong may matagal nang iniinda. Kaya pala ginawa niya ‘yung mga bagay na pangarap niya ay dahil mawawala na siya. Pakiramdam ko, sinadya niyang ipakabit ang lahat ng iyon, ipaayos ang lahat ng iyon dahil mawawala na siya. Ang hirap lang sa kalooban na mawalan ng isang nanay, ‘yung tipong wala ka nang kakwentuhan, kabiruan, at kakampi kapag may problema ka.  

Hanggang ngayon ay umiiyak pa rin ako dahil hindi ko pa rin matanggap ang pagkawala ng mama ko. Naiinis lang ako sa mga sinasabi ng iba kong kakilala na mag-move on na ako dahil hindi raw maganda ang pag-iyak, ‘yung iyak nang iyak eh, wala naman sila sa posisyon ko kaya hindi nila ako maintindihan. Naniniwala ako na darating din ang tamang panahon na makaka-move on ako eh sadyang hindi ko lang minamadali, eh. Bakit, ang sugat ba kapag binuhusan mo ng alcohol wala na, mawawala ba ang sakit? ‘Di ba gagamutin mo ito araw-araw para gumaling ang sugat? Isa itong proseso at hanggang ngayon pinoproseso ko pa ‘yung pagkawala niya dahil hindi ko na siya mababati tuwing birthday niya, tuwing Pasko, tuwing bagong taon, at higit sa lahat tuwing Mother’s Day, hindi ko na siya mababati ng personal. Masakit ito, DJ Raqi. Akala ko ang pagkawala ng mama ko ang pinakamasakit na mangyayari sa buhay ko pero may masakit pa pala.  

Sundan ang mga susunod na mangyayari sa kwento ni Rhen dito sa Raqi’s Secret Files.  

Comments

We use cookies to ensure you get the best experience on LoveRadio.com.ph. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies... Find out more here.