“Dadalhin daw ako sa mental ng nanay ko.”

October 31, 2022

“Dadalhin daw ako sa mental ng nanay ko.” 

Itago niyo na lang po ako sa pangalang “Meggie,” at ito ang aking Secret File. 

May boyfriend ako na itago na lang natin sa pangalang “Lucas.” Nagkakilala kami ni Lucas sa isang festival dito sa Laguna, matagal na akong may gusto sa kanya dahil nga sa ang guwapo niya. 

So heto na nga, ayaw ko na kayong inggitin sa relasyon namin. Anniversary namin no’n ni Lucas at limang taon na kami. Nag-text ako sa kanya na pumunta sa bahay dahil gusto siyang makausap ng papa ko. Balikbayan no’n si papa at umuwi lang siya para makilala si Lucas. Mahalaga sa akin ang araw na ‘to dahil ngayon mag-uusap ng personal ang dalawang lalaki sa buhay ko. Pinaghandaan ko talaga ito, nagluto ako ng paborito nilang pagkain, pero siyempre katulong ko si mama. Sabi ni Lucas, 6PM nandito na siya sa bahay, 30 minutes lang kasi ang biyahe niya papunta rito sa amin. Mabilis lang lalo na at naka-motor naman siya, kaya hinintay ko na siya pero 6:30PM na, eh, wala pa rin si Lucas. 

“Ma, tawagan mo nga si mama Irene, alas nueve na pero wala pa rin si Lucas, eh.” Sabi ko kay mama kasi hindi na ako mapakali. Sobra na ang pag-aalala ko, tatlong oras nang hindi nagpapakita si Lucas kahit text man lang, eh, hindi niya magawa. “Kanina pa raw umalis si Lucas, anak. Pupunta na rito ang pamilya niya. Akala nila nandito na si Lucas, napasarap lang ng kuwentuhan sa papa mo.” Doon na ako umiyak nang umiyak. 

Tinawagan ko rin lahat ng kaibigan ni Lucas at ilang kaklase niya. Baka kasi mamaya nando’n lang pala siya, kaso lahat sila ay iisa ang sagot. Hindi pa raw nila nakikita si Lucas no’ng araw na ‘yun.  

No’ng dumating ang pamilya niya, nagpasya na sila papa na hanapin si Lucas. Si mama, pilit pa rin akong pinapakalma, ang mama naman ni Lucas iyak na rin nang iyak. Inabot na sila papa ng umaga pero hindi pa rin nila nakikita si Lucas. Nang makaabot na ng 24 hours na wala pa rin si Lucas, lumapit na kami sa pulis. 

 Halos tulala na ako, iniisip ko kung nasaan na kaya siya. Hawak ko lang ang cellphone ko kasi baka mamaya mag-text na ‘yun. 

Ilang text na ang dumating sa akin, lahat sila nag-aalala at tumtulong maghanap kay Lucas, nagbabasa lang ako ng mga text do’n nang mag-text si Lucas. “Meg, bakit wala naman ‘yung papa mo sa inyo no’ng nagpunta ako? Wala ring tao sa inyo. Meg, hindi ako makauwi, hindi ko mahanap ‘yung daan.” ‘Yun ang nakalagay sa text ni Lucas. 

Nagsisigaw ako, sabi ko kay mama, “Nag-text na si lucas!” Halos magtatalon na rin ako sa tuwa. No’ng si mama na ang tumingin sa cellphone ko, wala raw siyang makitang text, nakipagtalo pa ako kay mama no’n. Sabi ni mama sobra ko lang daw iniisip si Lucas.  

Lumipas ang buwan wala pa ring Lucas. Halos lahat kami napanghinaan na ng loob, do’n na rin ako tumitira kina Lucas para ‘pag may balita, eh, malalaman ko agad. 

 Hanggang ang buwan ay naging taon, wala pa ring Lucas ang nagpapakita. Pinatigil na rin ng pamilya niya ang paghahanap sa kanya. Halos lahat ng tao sinasabi na patay na raw si Lucas pero hindi ako naniniwala na patay na siya. Maniniwala lang ako ‘pag nakita mismo ng dalawang mata ko ang bangkay nito. 

Anim na taon na dapat kami ngayon, pero wala akong isusurpresang Lucas dahil nga sa hindi ito nagpapakita. 

Naghuhugas ako noon ng pinagkainan namin, ang bahay nila lucas ay may bintana na nakaharap sa puno ng mangga na madalas ipagyabang sakin ni lucas, siya daw kasi ang nagtanim noon. 

Malayo ang bahay nila lucas sa puno ng mangga pero alam na alam ko na si Lucas ang sumilip sa likod ng puno. Halos magtatalon ako, isang taon din itong nawala. Gusto ko silang lahat sigawan, kasi pinanghinaan sila ng loob para hanapin si Lucas. 

“Mama Irene! Si Lucas nasa labas!” Pinaalam ko agad kila mama Irene na bumalik na si Lucas bago ako nagtatakbo sa labas. Nakatingin lang si Lucas, hindi siya nagsasalita. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa kanya, kaya niyakap ko na lang ito. Sobrang lamig ng balat ni lucas. 

“Bakit ang lamig mo, saan ka ba galing, ha?” Sabi ko. “Malamig kasi sa pinuntahan ko,” ‘yun lang ang sabi ni Lucas. Biniro ko pa ito pero hindi siya tumawa. Walang expression ang mukha niya. “Oh, ano? Bakit ganyan ka? ‘Wag mo sabihin sa akin na may babae ka na, ha.” Pagbibiro ko pa sa kanya. 

Inaya ko siya na pumasok sa bahay nila pero tinanggihan ako ni Lucas. “’Uy, natatakot ka ba na mapagalitan ka? Nag-aalala nga sila sa’yo, eh, lahat kami hindi galit sa’yo, promise.” Sabi ko para lumakas ang loob ni Lucas. 

Sigaw nang sigaw sa akin si mama Irene. “Ano bang ginagawa mo riyan?” Sabi ko nando’n si Lucas, nagtago no’ng padating na si mama Irene. Sinigawan ko pa siya na lumabas na, wala namang galit sa kanya. Pinagalitan ako ni mama Irene, “Hindi na babalik kahit kailan si Lucas.” Inaway ko si mama Irene. Sabi ko, kaya natatakot lumabas si Lucas kasi sigaw siya nang sigaw. 

No’ng gabing ‘yun pinasundo nila ako kay mama. Maganda raw na sa bahay muna ako para mas mabantayan ako. Iyak na ako nang iyak, ayaw ko umalis doon no’n kasi alam kong babalik si Lucas. 

Pinayuhan pa ni mama Irene si mama na ipatingin ako sa mental, baka raw kasi na-trauma ako. 

No’ng nalaman ‘yun ni papa, galit na galit siya. Bakit daw ipapa-mental agad ako? Umuwi raw kami ng Cavite at sasamahan daw ako ng pinsan ni papa sa albularyo. Sumunod si mama sa utos ni papa, pinatignan nila ako sa albularyo. Ang sabi ng albularyo may kaluluwa raw na nagbabantay sa akin at gusto akong makausap. 

Alamin natin ang mga susunod na mangyayari sa nakakapatindig balahibong kuwento ni Meggie rito sa Raqi’s Secret Files.  

Comments

We use cookies to ensure you get the best experience on LoveRadio.com.ph. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies... Find out more here.