Copyright ©2026 LOVE RADIO
Tulong - Ang mga Kwento ng Mahiwagang Boornay Episode 6
Tulong - Ang mga Kwento ng Mahiwagang Boornay Episode 6
September 30, 2026

“Hindi ako pagod. Hindi rin ako hinihingal. Pero habang papalapit kami, parang may kung anong humihila sa akin papasok.”

Dear Nicole Hyala and Titan Gelo,

Itago niyo na lang po ako sa pangalang Shane. Gusto ko sanang ikwento yung nangyari sa akin noong naglalakad kami ng mga kaibigan ko malapit sa opisina namin.

Pagpasok ng taon na ’to, sinabi ko sa sarili ko na oras na para sa healthy era ko. Hindi man tuloy-tuloy, pero at least sinisipag paminsan-minsan. Kasama ko sa journey na ’to yung mga kaibigan ko na kasama ko rin sa trabaho. After work, lagi kaming naglalakad. Five to ten kilometers, kaya namin.

Bilang mga natural na gala, naisip naming mag-iba ng ruta matapos ang ilang buwan na paulit-ulit lang kaming naglalakad sa parehong lugar. Hanggang sa napadpad kami sa isang lugar na sinasabi nilang maraming kababalaghan ang nangyayari.

Alam namin yung history ng building. Alam naming matagal na rin itong may reputation na haunted dahil madalas na na-fi-feature sa mga horror shows ang lugar na ‘to. Kaya nung una, nagbibiro pa kami tungkol doon. Sabi pa ng isang kasama ko, baka may makasalubong daw kaming artista.

May mga tao naglalakad at tumatakbo roon, kaya sabi ng mga kaibigan ko, umakyat daw kami at doon mag-ikot.

Umoo ako.

Pero habang paakyat kami, biglang bumigat yung pakiramdam ko.

Hindi ako pagod. Hindi rin ako hinihingal. Pero parang may kung anong pumipigil sa akin na umakyat. Pakiramdam ko rin, ang daming matang nakatingin sa amin kahit wala naman akong makitang nakatingin.

Sinabi ko sa mga kaibigan ko na huwag na muna. Hindi ko maipaliwanag kung bakit, pero may masama talaga akong nararamdaman.

Hindi na kami tumuloy that night.

Makalipas ang ilang araw, napadaan ulit kami roon. This time, wala naman akong naramdaman habang paakyat, kaya naisip kong baka nasa isip ko lang talaga yung nangyari noong una.

Pagdating namin sa tapat mismo ng entrance ng building, biglang nagbago ulit yung pakiramdam ko. Biglang huminto yung kasama ko at sinabing magsisintas lang siya ng sapatos. Sa dinami-rami ba naman ng oras para magsintas ng sapatos, bakit do’n pa?!

Habang hinihintay namin siya, pakiramdam ko hinihigop ako papasok. Parang may nakatingin mula sa gilid ko at sa hindi ko maipaliwanag na rason, parang gusto kong lumingon sa entrance ng building na ‘yon kahit hindi na maganda ang nararamdaman ko. Dahan-dahan kong pinihit ang ulo ko, at pagtingin ko sa entrance ng building, parang may isang malamig na hangin ang sumampal sa mukha ko. Maalinsangan no’ng gabing ‘yon, pero hindi ko alam kung bakit parang biglang lumamig ‘yung hangin.

Parang napako yung tingin ko sa entrance ng building. Hindi ako makagalaw. Nakatayo lang ako’t nakatitig sa pinto, tapos may nakita akong anino. Gusto ko na lang pumikit kasi hindi ko maigalaw ‘yung ulo ko, yung buong katawan ko. Naririnig kong nagkukwentuhan ang mga kasama ko, pero hindi ko naiintindihan ‘yung sinasabi nila. Parang nag-autofocus ‘yung utak ko at naging alingawngaw na lang sa paligid ‘yung mga boses nila. Isang salita lang ang klarong pumasok sa tenga ko, rinig na rinig ko, at nakapagpatayo ng palahibo ko..

“Tulong...”

Pagkatapos no’ng, para akong nag-snap back to reality. Kanina pa pala akong niyayaya ng mga kaibigan ko pero nakatulala lang daw ako. Sobrang bigat ng katawan ko at nanghihina yung mga tuhod ko. Tinuloy na lang namin ang paglalakad at pilit kong kinalimutan ang narinig ko. Baka wala lang 'yun, sabi ko.

Pag-uwi ko nang gabing iyon, okay pa naman ako. Kinabukasan, doon ako nagkasakit.

Nilagnat ako at sumakit buong katawan ko. Akala ko simpleng trangkaso lang, pero ilang araw akong ganoon. Halos wala akong ganang kumain at sobrang nanghina ako.

Gabi-gabi kong napapanaginipan ‘yun. Parang nagrereplay sa panaginip ko ‘yung nangyari. Tuwing maririnig ko sa panaginip ko ‘yung salitang “tulong,” bigla akong magigising. Palaging saktong 3am. Isang linggo, pare-parehas ang panaginip ko. Pero iba’t ibang boses ang naririnig ko. Minsan lalaki, minsan babae. Minsan matanda, minsan medyo mas bata-bata. Pare-parehas silang humihingi ng tulong.

Isang linggo na akong may sakit kaya dinala na ako sa doctor, pero wala namang malinaw na dahilan kung bakit ganoon katagal yung panghihina ko.

Dahil hindi na rin alam ng pamilya ko kung ano ang gagawin, may nag-suggest na magpatawas ako. Hindi naman ako yung tipong agad naniniwala sa ganoon, pero pumayag na rin ako. Wala akong kinuwento sa kanya, pero nagulat ako sa sinabi niya.

“May babae akong nakikita... sa likod mo.”

“May pinuntahan kang lugar. May mga narinig ka?” Sabi niya.

“Isang salita lang.” Sagot ko.

“Hindi lang isang salita ‘yun. Marami sila. Humihingi ng tulong, ‘di ba?” Pagkatapos, biglang nalaglag ‘yung kandilang hawak niya.

Napatingin ako sa mangkok. No’ng una, parang wala lang naman yung pira-pirasong hugis ng wax pero habang tinititigan ko ‘yung mangkok, parang may mga mukha sa loob nito. Marami.

Tinanong ko yung nagtatawas. “Pero bakit ako?”

“Baka hindi ikaw ang tinatawag nila.” Sabi niya.

“Kung hindi ako, sino?”

Hindi siya sumagot, pero tumingin siya sa likod ko. Lumingon ako, pero wala akong nakita kun’di ang pader na nasa likod ko.

Hindi ko alam kung may koneksyon ba talaga yung pagkakasakit ko sa nangyari. Pero simula noon, hindi na ako bumalik doon.

Habang nasa byahe na kami galing sa magtatawas, nag-open ako ng Facebook. Ang unang bumungad sa’kin, isang shared post tungkol sa kababalaghan na nangyari do’n sa lugar kung saan nangyari ang lahat. Sabi ko sa sarili ko, “Pambihirang algorithm to.”

Nag-scroll ako at ang susunod na post na nakita ko, isang picture ng lumang building. Tapos may malaking text na nakalagay sa picture.

“TULONG.”

Ang inyong tagapakinig,

Shane

Pakinggan kung ano ang masasabi ng Tambalan tungkol sa makapanindig-balahibong kuwentong ito:


Other Trends
Now Playing!
90.7 Love Radio Manila
Loading...