Copyright ©2026 LOVE RADIO
Silent Sanctuary, muling naghatid ng hugot at kilig sa Gabi ng Lambing: The 24th Anniversary Concert
Silent Sanctuary, muling naghatid ng hugot at kilig sa Gabi ng Lambing: The 24th Anniversary Concert
October 27, 2026

Mula sa mga kantang naging soundtrack ng maraming love story hanggang sa mga marriage proposal, naging espesyal ang pagdiriwang ng Silent Sanctuary sa Gabi ng Lambing: The 24th Anniversary Concert noong October 25.

Pero alam niyo ba kung bakit may “Reverse Day 2” ang concert?

Originally, October 25 talaga ang nakatakdang concert date, pero dahil sa mabilis na pagkaubos ng tickets, nagdagdag ng show ang banda noong October 24.

Hindi rin basta ordinaryong concert ang Gabi ng Lambing, dahil naghanda ang banda ng interactive activities para sa fans. Bago pa magsimula ang performances, may audience camera kung saan nag-pose ang mga concertgoer para sa iba’t ibang relatable categories tungkol sa pag-ibig, heartbreak, at hugot.

Kasama ang Manila Symphony Orchestra at Viva Voce, sinimulan ng Silent Sanctuary ang gabi sa kantang Hay Naku, na sinundan ng kanilang iconic heartbreak anthem na Rebound. Mula pa lang sa opening numbers, dama na ang excitement ng fans na sabik muling mapakinggan nang live ang kanilang mga paboritong kanta.

advertisement

Lalong naging espesyal ang selebrasyon sa pagdating ng mga special guest. Nakisama sa kantahan si Typecast vocalist Steve Badiola para sa Oh My Lover at Will You Ever Learn, habang naki-jam naman si Soapdish frontman Jeff Bolivar sa Pwede Ba at Tensionado.

Sa kabila ng kanyang injury, nag-perform din si Ashley Gosiengfiao ng Meron Nang Iba, ang hit song kung saan nakasama niya ang banda. Isa ito sa mga espesyal na sandali ng gabi na nagpaalala fans ng mga naunang taon ng Silent Sanctuary.

Pero isa sa mga pinakakinaaliwang bahagi ng concert ang mga biglaang marriage proposal!

Habang kinakanta ng banda ang Sa’yo, sinamantala ng ilang concertgoer ang pagkakataon para mag-propose sa kanilang mga minamahal. May isa pa ngang nag-propose sa harap mismo ng banda habang tinutugtog ang 14, na lalong nagpakilig sa gabing puno na ng mga kantang tungkol sa pag-ibig.

Bilang remembrance, binigyan pa ng Silent Sanctuary ng certificates ang newly-engaged couples para alalahanin ang kanilang espesyal na sandali. Trulalu na walang halong eklavu ngang naging higit pa sa isang concert ang gabi para sa fans na nag-celebrate hindi lamang ng musika, kundi pati ng kanilang mga love story.

Hindi rin nagpahuli ang fans sa kanilang throwback outfits. Marami ang dumating suot ang kanilang mga lumang school uniform at prom attire, na nagpaalala sa kanila ng high school days, first love, at mga panahong naging soundtrack ng buhay ang mga kanta ng Silent Sanctuary. Kinilala rin ng banda ang kanilang efforts sa pamamagitan ng pagbibigay ng rewards sa fans na nagbihis ayon sa theme.

Pagsapit ng finale, sabay-sabay na tumayo, tumalon, at nakikanta ang audience sa Ikaw Lamang. Naging tila isang malaking reunion ang pagtatapos ng concert, kung saan muling nagsama-sama ang mga pusong minsang umibig, nasaktan, at muling nakaramdam ng kilig sa pamamagitan ng mga kantang kinalakihan nila.

@loveradiomanila907 Parang mas okay ‘tong bagong lyrics ng ‘Ikaw Lamang’ ng @SILENT SANCTUARY OFFICIAL 🫣 #GabiNgLambing #SilentSanctuaryGabiNgLambing #SilentSanctuary #LoveRadio #fyp ♬ original sound - Love Radio Manila

Sa loob ng 24 years, patuloy na pinatutunayan ng Silent Sanctuary na hindi kumukupas ang mga kantang naging bahagi ng maraming kuwento ng pag-ibig. Sa bawat himig at liriko, naaalala ng mga tagapakinig ang mga taong nakasama nila, ang mga damdaming minsang pinanghawakan, at ang mga sandaling mananatiling espesyal sa kanilang buhay.

Dahil minsan, isang play lang ng paborito mong kanta, balik agad ang lahat ng alaala.

Happy 24th anniversary, Silent Sanctuary!

Other Trends
Now Playing!
90.7 Love Radio Manila
Loading...