“Minsan, parang nanggagaling mismo sa loob ng ulo ko ang boses ng matandang lalaki. Minsan naman, pakiramdam ko ay nasa likod ko lang siya.”
Dear Nicole Hyala at Titan Gelo,
Itago niyo na lang po ako sa pangalang Mylene. Sa totoo lang, ilang beses akong nag-isip kung isusulat ko ba talaga ’to. Alam kong parang kabaliwan lahat ng ikukuwento ko, pero hindi ko na talaga kaya. Wala rin akong mapagsabihan sa mga katrabaho ko. Noong unang beses kasing may napansin silang kakaiba kay Angela, ginawa lang nilang biro. Sabi nila, nagpapapansin lang daw.
Si Angela ang isa sa pinakamasipag at pinakamabait sa departamento namin. Halos anim na taon siyang hindi uma-absent at laging masayahin, kaya kitang-kita talaga namin nang bigla siyang magbago. Noong isang buwan, nag-leave siya para umuwi sa probinsya at bisitahin ang pamilya niya. Bago kami tuluyang mawalan ng komunikasyon, nagpadala siya sa akin ng litrato ng isang lumang garapon na nahukay niya sa ilalim ng bahay ng lola niya. Mukhang matagal na iyong nakabaon. Puno ng putik ang labas at may mga bitak na rin ang salamin. Sa loob, may maitim at tuyong likido na parang kumapit na sa mga dingding ng garapon. May mga nakalutang ding hibla ng buhok at maliliit na bagay na parang mga ngipin. Hindi ko na tinitigan nang mabuti ang litrato. Inisip ko na baka kung ano lang ’yon na lumang laman ng garapon. Pagkatapos niyang ipadala sa akin ’yung picture, tatlong linggo siyang hindi nagparamdam.
Nang bumalik siya sa opisina, parang ibang tao na ang kasama namin. Bagsak ang katawan niya, sobrang payat, at kulay abo ang balat na para bang ilang araw siyang hindi natutulog. Halos hindi na siya nagsasalita. Buong araw lang siyang nakatitig sa blankong screen ng computer niya. Minsan, napapansin naming gumagalaw ang mga labi niya na parang may binubulong o kinakanta. Hindi namin maintindihan kung anong wika. Pero kapag may lumalapit sa kanya, bigla siyang tumitigil at nagiging normal na parang walang nangyari.
Mas napansin ko ’yung mga kilos niya dahil madalas niya akong tingnan. Hindi ’yung simpleng tingin ng isang katrabaho. Parang may hinihintay siya sa akin. Isang araw, lunch break at halos walang tao sa opisina. Pumunta siya sa cubicle ko at may iniwan sa ibabaw ng desk ko na lumang baso. May laman itong maitim at napakabahong likido. Amoy lupa na matagal nakababad sa tubig, pero may isa pang amoy na mas matapang. Hindi ko maipaliwanag kung ano. Hindi ko ’yon ginalaw. Sinabi ko agad sa kanya na alisin niya, pero hindi siya umalis. Sa halip, lumapit siya at biglang hinawakan ang mukha ko. Sobrang higpit ng hawak niya at napakalamig ng kamay niya. Parang galing sa freezer. Sa sobrang takot ko, natigilan ako. Ilang segundo akong hindi nakagalaw. Tapos, pinilit niyang ipasok sa bibig ko ang laman ng baso. Hindi ko alam kung gaano karami ang nalunok ko. Agad ko ’yung niluwa, pero sigurado akong may umabot sa lalamunan ko. Pagkatapos noon, basta na lang siyang umalis. Iniwan niya sa desk ko ’yung baso.
Kinabukasan, doon nangyari ang trahedya. Nasa kalagitnaan kami ng meeting nang biglang tumayo si Angela. Wala namang senyales na may mangyayari. Basta itinaas niya ang ulo niya at biglang sumigaw. Napakatalim ng sigaw. Halos lahat kami napahawak sa tainga. Ilang segundo lang ang lumipas nang mapansin naming nagbago ang mga mata niya. Parang lumalaki nang lumalaki ang itim ng mga pupil niya hanggang sa halos wala na kaming makitang puti. Pagkatapos, nagsimula siyang magsalita gamit ang boses ng isang matandang lalaki. Hindi namin maintindihan ang sinasabi niya, pero malinaw na hindi iyon ang boses ni Angela. Bigla niyang kinayod ang sarili niyang leeg gamit ang mga kuko. Paulit-ulit, hanggang sa duguan na ang balat niya. Nang dumating ang security at sinubukang pigilan siya, hindi na siya nagpumiglas. Bumagsak lang siya sa sahig. Tapos, ilang segundo siyang nakatingin sa akin at ngumiti. Parang may alam siya na hindi ko alam.
Dinala siya ng pamilya niya sa isang mental health facility. Ayon sa isang kasamahan naming nakausap ang kapatid niya, kailangan daw siyang bantayan nang mabuti dahil ilang beses niyang sinubukang saktan ang sarili niya. Hindi na ako nagtanong pa. Gusto ko na ring kalimutan ang nangyari. Pero nang gabing iyon, pag-uwi ko sa apartment ko, may naamoy akong mabaho sa kusina. Akala ko may nasirang pagkain o may nakalimutan akong itapon. Pagpasok ko, nakita ko sa ibabaw ng mesa ang parehong lumang baso na iniwan ni Angela sa desk ko.
Hindi ko alam kung paano ’yon nakarating sa apartment ko. Sigurado akong hindi ko ’yon kinuha sa opisina. Mas sigurado akong hindi ko ’yon isinama sa bag ko. Pero naroon ’yon, sa sarili kong kusina at kalahati na lang ang laman.
Doon ko naalala ang nangyari noong hinawakan ni Angela ang mukha ko. Habang nakatulala ako sa takot, may kung anong malamig at malapot na bagay siyang ipinilit sa bibig ko. Akala ko noon, naisuka ko lahat. Pero nang gabing iyon, bigla kong naisip, baka hindi. Baka may nalunok talaga ako.
Kinabukasan, nagsimula akong magsuka. Noong una, puro tubig lang. Pero pagkatapos, may lumabas na maitim na likido na may mahahabang hibla ng buhok. Akala ko dahil lang sa sobrang takot at stress, pero habang lumilipas ang mga araw, lalo itong lumalala. Tatlong araw na akong halos walang kinakain. Kahit anong pumasok sa tiyan ko, sinusuka ko rin at kasama ng suka ang parehong maitim na likidong nakita ko sa baso.
Pero hindi ’yon ang pinakanakakatakot. May mga pagkakataon na naririnig ko na rin ang boses ng matandang lalaki. Hindi ko siya nakikita. Hindi ko rin alam kung saan nanggagaling ang boses. Lumalabas lang siya kapag tahimik ang paligid, lalo na kapag gabi. Minsan, parang nanggagaling mismo sa loob ng ulo ko. Minsan naman, pakiramdam ko ay nasa likod ko lang siya.
Kanina, napansin kong may maitim na mantsa sa gilid ng labi ko kahit ilang beses ko nang hinilamusan ang mukha ko. Nang punasan ko, may kasama itong isang hibla ng buhok. Hindi ko alam kung saan nanggaling. Simula noon, hindi na ako tumitingin sa salamin.
Sinusulat ko ’to habang kaya ko pa ring kontrolin ang mga kamay ko at habang naiintindihan ko pa kung ano ang nangyayari sa akin. Hindi ko alam kung ano talaga ang nakita ni Angela sa ilalim ng bahay ng lola niya. Hindi ko rin alam kung ano ang laman ng garapon na ’yon. Ang alam ko lang, may nangyari sa kanya pagkatapos niyang mabuksan ’yon at pagkatapos niyang piliting ipainom sa akin ang laman nito, unti-unti ring may nangyayari sa akin.
Kung hindi na ako makapag-email ulit sa inyo o kung isang araw ay makita ako ng mga kaopisina ko na nakatitig na lang sa kawalan at hindi na kumikilos tulad ng dati, sana maalala nila ang nangyari kay Angela. Hindi ’yon simpleng pagod. Hindi pagpapapansin at hindi rin basta pagbabago ng ugali.
Ang inyong tagapakinig,
Mylene
Pakinggan kung ano ang masasabi ng Tambalan tungkol sa makapanindig-balahibong kuwentong ito:

