Gaganapin ang “Maloi Day Act II: City of Luck” sa May 23, 2026 sa Matrix Creations Venue Event Place, kung saan inaasahang dadalo ang mahigit 500 fans para maki-celebrate at magsaya kasama ang kapwa Luckies at Blooms.
Inspired ng pelikulang “La La Land,” iikot ang tema ng event sa “luck,” mga bituin, at pagtupad ng pangarap. Hindi lang ito simpleng fan gathering dahil marami ring activities, interactive booths, at OPM performances na inihanda para sa mga dadalo. Isa sa pinakaaabangang bahagi ng event ang rave segment na may private DJ, na magsisilbing finale ng gabi. Dito, sabay-sabay na mag-e-enjoy at magsasayawan ang fans habang ipinagdiriwang ang musika at inspirasyong hatid ng BINI member.
advertisement
Kumpirmado na ring mag-pe-perform ang ilang OPM artists tulad ng The Itchyworms, Sugarcane, Frank Ely, Jao, DWTA, at Noah Alejandre. Ayon sa organizers, may iba pang artists na iaanunsyo sa mga susunod na araw.
Noong 2025, matagumpay ding naisagawa ng BINI Maloi Fan Support ang “Maloi Day Act I: Everything, Everywhere, Maloi At Once,” na dinaluhan ng mahigit 600 fans. Dahil dito, mas mataas ang excitement para sa Act II.
Mula nang mabuo noong 2024, patuloy na gumagawa ng fan at charity projects ang BINI Maloi Fan Support para suportahan si Maloi at ang buong fandom. 
