Copyright ©2026 LOVE RADIO
Love Radio, nagluluksa sa pagpanaw ni DJ Diego Bandido
Love Radio, nagluluksa sa pagpanaw ni DJ Diego Bandido
November 26, 2026

Sanay tayong marinig ang boses niya sa radyo. Sanay sa mga biglaang banat, kakaibang karakter, at mga birong minsan ay hindi mo alam kung matatawa ka o mapapailing. Pero ngayong wala na si DJ Diego Bandido, mas ramdam natin kung gaano kalaki ang puwang na iniwan ng isang taong nakasanayan nating nagpapasaya.

Bilang DJ ng Love Radio, naging bahagi siya ng maraming umaga sa pamamagitan ng kanyang programang BuLOVEbog. Hindi ordinaryong panggigising ang hatid niya. May sarili siyang paraan ng pagpapatawa, na sumasalamin sa tatlong bagay na madalas niyang ipinapakita sa kanyang personalidad: humor, logic, at faith.

Nariyan din ang mga alter ego niyang sina Tang Henyo at Duday, na nagbigay-kulay sa programa, pati na ang mga pilosopiyang binalot niya sa katatawanan. Isa na rito ang sikat niyang linya: “Hindi lahat ng kalbo, masamang tao. ’Yung iba, binago ni Lord!”



Maging ang pagpapakilala niya sa sarili ay may sariling timpla ng kalokohan: “Malikot mag-isip. Minsan suplado, minsan sira, pero makinis ang ulo! ’Pag nagsalita, walang katuturan pero may aral na kapupulutan.”

‘Yan ang Diego Bandido na nakilala ng mga Kabisyo. Hindi pilit magpatawa at hindi kailangang maging katulad ng iba. May sarili siyang estilo at personalidad na hindi madaling malimutan.

Pero mas nakikilala natin ang isang tao hindi lamang sa mga napapanood o napapakinggan natin, kundi sa mga taong nakasama niya sa araw-araw.

Sa pagpanaw ni Diego Bandido, nagbahagi ng kanilang mga mensahe ang mga kasamahan niya sa Love Radio. Sa likod ng mikropono, lumitaw ang mga kuwentong puno ng paghanga, pasasalamat, at matinding pangungulila.

Nagpaabot ng maikling pamamaalam si Raqi Terra: “Pa Diegs….. alam namin si Lord na ang kasama mo. Maraming salamat.”*

Hindi rin maitago ni Kim Chino ang lungkot sa pagkawala ng isang talentong maagang kinuha: “Ganito kagaling yung kinuha mo agad, Lord.. Pano na kami sa radyo neto..”

Para naman kay Mara Tonee, mananatili ang pasasalamat sa paggabay ni Diego Bandido noong nagsisimula pa lamang siya sa industriya: “Salamat sa pag gabay mo sa akin pa Diegs lalo na noong panahon na ako’y nagsisimula pa lamang.”

May sarili ring kuwentong binalikan si Angkol Dagol. Matagal na niyang hinahangaan si Diego Bandido, mula pa noong pinakikinggan niya ang mixtape nito habang nagsisimula bilang DJ sa Davao. Kaya naman mas masakit isipin na ang huli nilang tawanan pala ang magiging huling pagkakataon nilang magkasama.

“Isa ka sa iniidolo ko kol sa larangan ng radyo. Pinakinggan ko pa ang mixtape mo nung nasa Davao pa ako at nagsisimula bilang DJ. Alam mo yan na kwento ko na yan sa'yo at masaya akong nakatrabaho kita. Ang talento at galing mo walang katumbas. Last tawa na pala natin yun kanina sa meeting. Amping kol ug rest in paradise with our Lord.
😔”

At para kay Nicole Hyala, hindi lamang isang mahusay na DJ ang nawala. Nawala rin ang kanyang ka-Tambalan.

“Isang malaking karangalan na nakatambal kita, Paps. Ikaw ang Kumikinang na Ulo na nagbigay-buhay, saya, at tawa sa ating Kumikinang na Tambalan. Ang hirap isipin na wala ka na. Diyan ka na muna sa langit mambubuLOVEbog, Paps. Dito, iingatan namin ang mga alaala at tawanan na iniwan mo. Mahal na mahal ka namin!”


Iba-iba man ang kanilang mga mensahe, iisa ang ipinapakita ng mga ito: malaki ang naging bahagi ni Diego Bandido sa buhay ng mga taong nakatrabaho at nakasama niya. Hindi lamang dahil sa kanyang talento, kundi dahil din sa samahang nabuo, mga kuwentong pinagsaluhan, at mga alaalang iniwan niya.

Pero higit sa lahat ng pagkilalang natanggap niya sa industriya, may mas mahalagang papel siyang ginampanan sa labas ng radio booth. Isa rin siyang mabuting asawa at mapagmahal na ama. Sa likod ng boses na nagbibigay-saya sa libo-libong tagapakinig ay isang taong may sariling mundong inuuwian—isang pamilyang minahal, inalagaan, at naging mahalagang bahagi ng kanyang buhay.

Maraming taong dumaan sa buhay ni Diego Bandido, at sa iba’t ibang paraan, may iniwan siyang bahagi ng kanyang sarili sa bawat isa. Maaaring tumahimik na ang kanyang mikropono, pero ang saya, mga aral, at pagmamahal na ibinahagi niya ay patuloy na mabubuhay sa mga taong kanyang napasaya at minahal.

Paalam, DJ Diego Bandido! Salamat sa mga umagang pinasaya mo, sa mga tawahang ibinahagi, at sa mga buhay na nabigyan mo ng kulay. Higit sa lahat, salamat sa pagmamahal na iniwan mo sa iyong pamilya, mga kaibigan, at mga taong naging bahagi ng iyong buhay.

Maaaring wala na ang boses mo sa ere, pero mananatili kang buhay sa mga kuwentong ikukuwento, tawahang babalikan, at alaalang hindi kailanman mawawala.

Rest in paradise, Bords!

Other Trends
Now Playing!
90.7 Love Radio Manila
Loading...