Copyright ©2026 LOVE RADIO
Litrato - Ang mga Kwento ng Mahiwagang Boornay Episode 10
Litrato - Ang mga Kwento ng Mahiwagang Boornay Episode 10
October 28, 2026

“Pipilitin kong gisingin ang sarili ko pero parang nakakulong ako sa paulit-ulit na paggising na hindi naman totoo.”

Dear Nicole
Hyala at Titan Gelo,

Tawagin niyo na lang akong Mickey. Bilang isang Tambalanista since 13 years old, hanggang ngayong 32 na ako, talagang na-excite ako no’ng nalaman kong may horror podcast na kayo. Natagalan lang bago ako makapagpasa ng kwento kasi hinanap ko pa ’yung chat ko sa prof ko no’ng college ako para maikwento ko ng buo yung naging karanasan ko.

Simula bata ako, never pa ako nakakita o nakaramdam ng multo. Mahilig lang talaga akong magbasa at manood ng mga kuwentong kababalaghan, pero matatakutin din ako sa totoong buhay. ‘Yung tipong ayaw kong pumapasok sa horror house, magbasa o manood ng nakakatakot bago matulog kasi nadadala ko hanggang sa panaginip. Kaya tuwing may nararamdaman akong medyo kakaiba, lagi ko agad ginagawan ng rational na paliwanag para lang hindi ako matakot.

Pero meron akong naging experience no’ng college ako na hanggang ngayon, hindi ko pa rin masyadong maipaliwanag. Sa isa sa mga subject namin, may topic kami tungkol sa paranormal. Para sa isang practical activity, nag-set ang professor namin ng ghost hunting sa mismong campus namin isang gabi. Saktong mag-uundas din no’n. Sumama ako.

Nung gabing iyon ng ghost hunting, wala lang ako, parang palamuti lang. Yung mga kasama naming bukas daw ang third eye, damang-dama ang paligid. May kaklase kaming pagkabukas ng pinto sa isang room ay biglang napasigaw kasi may sumalubong daw sa kanya. May isa naman na pinatigil kami sa paglalakad sa corridor kasi may nag-aabang daw na anino sa dulo. Ako? Wala talaga. Nakikiusyoso lang sa mga sinasabi nila. Natapos ang gabi nang wala akong kahit anong kinatatakutan o nakikitang kababalaghan.

Dumating ang kasunod na meeting namin sa klase at pinag-usapan namin ‘yung tungkol sa mga nangyari nung gabing iyon. May isa akong kaklase na nagdala ng digicam nung ghost hunting at kuha lang nang kuha ng random photos sa iba't ibang sulok ng school. Nung klase na lang din niya naisipang i-review ‘yung mga kinuha niyang litrato.

Biglang nagkagulo ang klase sa isang picture. Nahagip sa litrato ang prof namin at ang isa kong kaklase, pero sa di-kalayuan, may figure ng isang bata parang nakapalda. Kinilabutan ang lahat. Una, pang-college lang ang school namin, walang elementary o high school kaya imposibleng may bata doon sa gitna ng gabi. Pangalawa, hindi rin ganun ang uniform namin.

Bilang mahilig sa horror, na-excite ako. Hiningi ko ang kopya ng picture sa kaklase ko at isinave ito sa cellphone ko. Ang isip ko noon: “Para kapag nagkakakwentuhan kami ng mga kaibigan ko, may maiambag naman akong sariling kwentong kababalaghan.”

Hindi ko alam, iyon pala ang simula ng mga nakakakilabot na pangyayari sa buhay ko.

Sa bahay namin, ang higaan namin ng mga kapatid ko ay double deck. Solo ako sa itaas na kama, habang ang dalawa kong kapatid ay magkatabi sa ibaba.

Isang araw, bumisita ang boyfriend ko noon. Bawal kaming maiwang dalawa lang sa kwarto, kaya habang naglalaro siya sa computer at bumaba ang kapatid ko, sumama na ako pababa. Hindi pa nakakalipas ang limang minuto, bumaba na rin siya. Nung tinanong ko kung bakit siya bumaba agad kahit alam kong mahaba pa ang laro niya, sinabi niyang kinilabutan siya kasi sa peripheral vision daw niya, may nakikita siyang nakatayo sa tabi niya.

Nang minsan namang mahaba ang break ko sa klase, isinama ko ang isa kong kaklase sa bahay para tumambay. Pagkapasok na pagkapasok namin sa kwarto, bigla siyang tumahimik. Hinihayaan ko lang dahil akala ko nahihiya lang siya. Matapos ang halos isang oras, nag-aya akong manood na lang ng movie.

Tumingin siya sa akin at seryosong nagtanong: “Okay lang ba? Hindi ba magagalit yung natutulog sa taas ng double deck?”

Natawa pa ako nang kaunti. “Walang tao diyan, kama ko 'yan.”

Napatitig siya sa akin at sinabing kaya raw siya tahimik simula nung pumasok kami ay dahil may nakita siyang nakahiga sa itaas na kama ko. Sinilip ko agad, walang tao.

May araw na pumunta ‘yung regular naming manikurista sa bahay. Kaso no’ng araw na ‘yon, namatay ang tita kong may leukemia kaya nagmadaling umuwi ng probinsya sila mommy at nakalimutang i-cancel ang appointment sa manikurista. Pagdating ng manikurista, katok daw siya nang katok sa pinto dahil naririnig niyang tumutugtog ang kantang "Close to You" ng Carpenters mula sa MP3 player sa loob at may kumakanta pa. Pero nung oras na iyon, walang tao sa bahay. Nakaalis na sila mommy, at kami namang magkapatid ay nasa school pa.

Nagsimula na rin akong dalawin ng matitinding bangungot at sleep paralysis halos gabi-gabi. Alam natin na kapag nananaginip ang isang tao, hindi niya nalalamang panaginip ‘yon hangga't hindi siya nagigising. Pero sa akin, sa kalagitnaan ng tulog, nakikita ko na ang paligid at ang mga gamit sa kwarto ko, pero hindi ko maigalaw ang katawan ko. At sa sandaling ma-realize kong nananaginip ako, may parang mabigat na dumadagan sa dibdib ko at unti-unting nagiging kulay itim ang buo kong paningin.

Naging paulit-ulit 'yung gano’n. Magigising ako mula sa isang panaginip, yun pala ay nananaginip pa rin ako sa loob ng panaginip. Pipilitin kong gisingin ang sarili ko pero parang nakakulong ako sa paulit-ulit na paggising na hindi naman totoo. Minsan, tatlong beses akong binabangungot sa isang gabi.

Isang gabi, habang nangyayari uli ito, sinubukan kong magdasal ng The Lord's Prayer. Pero habang dumeretso ang isip ko sa pagdadasal, may naririnig akong malakas na ungol na lalong lumalakas sa tainga ko na para banng pilit akong dini-distract. Hanggang sa maramdaman kong iba-ibang salita na ang lumalabas sa bibig ko. Alam kong hindi na iyon bahagi ng dasal, pero hindi ko mapigilan ang pagbigkas ng kung anu-anong salita. Sinubukan kong pigain ang kamay ko para magising, pero naramdaman kong may kamay na nakahawak sa kamay ko. Sa gilid ng paningin ko, may naaninag akong kulot na buhok, at sa mismong harap ko, may madilim at malabong mukha.

Nagising na lang ako kasi inaalog na ako ng kapatid ko dahil napakalakas na raw ng sigaw ko habang natutulog. Pagbangon ko, sobrang init ng buong katawan ko.

Sa isa pang pagkakataon habang binabangungot ako at nagdadasal, naramdaman ko na parang unt-unting lumulutang ang katawan ko sa ere, bago biglang bumagsak pabalik sa kama dahilan para magising ako nang mainit ulit ang buong katawan.

Dahil sa matinding takot, minessage ko sa Facebook ‘yung professor kong nag-organize ng ghost hunting. May mga pinagawa siya sa akin at pinayuhan niya rin akong magpa-pray over sa isang taong may kaalaman sa spiritual o religious na bagay. Sumunod ako sa payo niya, at kahit papaano ay kumalma ang paligid. Nabawasan ang bangungot ko at nakapahinga ako ng ilang araw.

Ngunit panandalian lang pala ang ginhawa.

October 30, nag-message ulit ako sa kanya dahil may nangyari na namang kakaiba. Habang natutulog ako, ginising ako ng mama ko para kunin ang laptop ko. Binigay ko naman sa kanya at bumalik ako agad sa pagtulog. Kinabukasan, tinanong ko siya kung anong itsura ko nung ginising niya ako.

Sabi ni mama, para raw akong sira dahil napakasama ng tingin ko sa kanya.

Tinanong ko ‘yun kasi malinaw sa alaala ko ‘yung eksena no’ng gabing ginising niya ako. Kaya ako nakatitig sa kanya nang matagal ay dahil nung ginising niya ako, nakikita ko siya pero hindi ako makagalaw at wala rin akong naririnig na kahit ano. At ang rehistro ng mukha niya sa akin, alam kong si mama siya, pero kulay itim siya at ang mga mata niya ay parang mata ng demonyo.

Kinwento ko ito sa boyfriend ko. Pagkarinig niya sa kwento ko, tumingin siya sa akin at sinabing, "Alam mo, hindi ka kasi mag-isa natutulog sa kama mo."

Sabi ko sa kanya, baka tita ko ‘yun. Dumadalaw at tumatabi sa akin.

Tumingin siya nang diretso sa akin sabi niya, "Eh dalawa sila..."

Doon biglang nagdugtong-dugtong ang lahat sa isip ko. Ang nakita ng kaklase ko sa kama ko noon, at ang sinasabi ng kapatid ko lagi na nahihirapan siyang matulog nang walang katabi pero nakakatulog siya agad kapag nakikitulog sa kama ko. Baka may kasama talaga ako sa kama ko?

Sa sobrang takot, nag-message ulit ako sa prof ko. Tinanong niya ako kung sobrang stressed ba ako, may kinikimkim na problema, o kung may ginawa akong hindi karaniwang kamakailan. Sinabi kong emotionally stable naman ako at wala akong matinding problema. Ang tanging hindi karaniwan na ginawa ko ay ang ghost hunting noong nakaraang mga buwan.

Tinanong niya uli ako kung ano ba talaga ang ginawa ko doon. Sabi ko, wala naman, pero isinave ko sa cellphone ko ang picture nung bata na nakuhaan ng kaklase ko sa digicam.

Sabi ng ng prof ko: “I-delete mo na agad ang picture na 'yan sa phone mo at huwag ka nang mag-iiwan ng kahit anong kopya sa mga personal mong gamit na lagi mong dala.”

Nang araw na iyon, dinelete ko agad ang litrato sa cellphone ko. Simula noon, huminto ang mga kakaibang karanasan sa bahay namin. Nabawasan ang bangungot ko, at bumalik ito sa normal na paminsan-minsan na lang kapag nakapanood ako ng horror bago matulog.

Hanggang ngayon, sa parehong bahay pa rin kami nakatira. Graduate na ako at nagtatrabaho na. Wala na akong nararamdamang kakaiba sa kwarto.

Kaya lang, ilang beses nang nangyayari sa magkakaibang araw na may mga kaopisina akong nagtataka at nagsasabing nakikita daw nila ako sa office kahit ang totoo ay naka-leave ako sa mga araw na iyon. Yung isa nga raw, nginitian ko pa. Karaniwan nangyayari ‘to ‘pag may sakit ako, o di kaya naman ay sobrang stressed ako. Hindi ko alam kung may kaugnayan pa rin ito sa picture noong college ako, pero naalala ko ang kuwento ng mama ko noong bata pa ako. Sabi niya, bata pa lang daw ako ay may kasama na talaga ako. Harmless naman daw at nakikipaglaro lang sa akin, at ayon sa albularyong tinanong nila noon, ginagabayan din naman daw ako no’ng sumasama sa akin.

Bago ko tuluyang i-delete 'yung picture sa cellphone ko noon, inupload ko muna ito sa Facebook at isinet sa "Only Me" para hindi ito tuluyang mawala. Hinanap ko ito at sinama rito sa sinend kong kwento.

Wag niyo na lang din sigurong i-save.

Ang inyong Tambalanista,

Mickey

Pakinggan kung ano ang masasabi ng Tambalan tungkol sa makapanindig-balahibong kuwentong ito:


Other Trends
Now Playing!
90.7 Love Radio Manila
Loading...