Sa pagbisita ni Jason Fernandez sa Hangover, hindi naiwasang pag-usapan ang 2024 reunion ng Rivermaya lalo na ang isyung tila hindi nabigyan ng spotlight ang 2007-2011 era ng banda.
Diretsahan siyang tinanong kung nakaramdam ba siya ng sama ng loob dahil parang hindi raw na-acknowledge ang apat na taon niyang naging bahagi ng banda. Pero imbes na hugot o patama, very chill ang naging sagot ni Jason: wala.
Ipinaliwanag niya na iba ang nakikita ng tao kumpara sa kung paano niya tinitingnan ang sitwasyon. Para sa kanya, kahit naging vocalist siya ng Rivermaya, fan pa rin siya hanggang ngayon. “Naging part ako ng Rivermaya, isa akong fan. Tagahanga ako,” ani Jason. Sa katunayan, ikinuwento niyang nanood pa siya ng concert at nagkita sila ni Rico Blanco sa Toronto.
Hindi rin niya itinatanggi kung saan nagsimula ang lahat para sa kanya. “Kaya nga ako nag-audition eh, kasi fan ako ng Rivermaya.”
Para kay Jason, kung naisama man siya sa reunion, ituturing niya ’yon bilang bonus o “another dream come true,” pero malinaw na hindi siya naghahabol ng recognition. Aniya, sapat na sa kanya na naging bahagi siya ng banda. Hindi na niya kailangang magbilang ng ambag o magtanong kung bakit hindi siya kasama.
Ibinahagi rin niya ang isang interesting concept na muntik nang mangyari sa reunion. Ayon kay Jason, may proposal umano noon mula sa isang producer sa Middle East na gawing parang “time machine” ang concert kung saan magsisimula sa present lineup, tapos paisa-isang babalik sa mga dating miyembro hanggang sa original lineup. Bilang fan, aminado siyang mas gusto pa raw niyang manood na lang kung ganoon ang mangyayari dahil makikita ang buong evolution ng banda sa isang gabi.
Walang bahid ng bitterness ang tono ni Jason. Mas nangingibabaw ang gratitude at respect niya sa bandang minsan niyang pinangarap lang mapabilang. Panoorin ang full interview niya sa YouTube channel ng Hangover!

Jason Fernandez, nasaktan nga ba sa hindi pagkakasama sa Rivermaya: The Reunion?
