“Akala ko dormmate ko lang ‘yung nagsabi sa akin na, ‘Matagal ka pa dyan?’ Kaya lang, lahat sila tulog.”
Dear Nicole Hyala and Titan Gelo,
Itago niyo na lang po ako sa pangalang Shaira, isang estudyante sa isa sa mga university sa Dasma. Alam niyo naman na siguro kung alin. Bago pa lang Ang Mga Kwento ng Mahiwagang Boornay, pero nasa Top Podcasts na kayo. Dasurv!
Dahil d’yan, gusto ko rin pong ikwento yung nangyari sa dorm namin. Hindi po ako sanay magkuwento ng mga ganito dahil mas gusto kong humanap muna ng normal na paliwanag sa lahat.
Ganito po kasi. Isang gabi, lights out na sa dorm namin pero gising pa ako dahil gumagawa ako ng plates. May portable table ako kaya sa kama na lang ako nagtrabaho. Nakaharap ako sa mga kama ng dormmates ko. Madilim na ang buong kwarto at maliit kong desk lamp lang ang bukas. Naka-earphones ako noon, pero mahina lang ang volume. Sobrang tutok ko sa plate kaya hindi ko masyadong pinapansin ang paligid.
Maya-maya, narinig ko yung kama ng isa sa mga dormmate ko na umingit. Sumunod yung pamilyar na tunog ng tsinelas niya sa sahig papunta sa CR. Ilang minuto ang lumipas nang may naramdaman akong nakatayo sa harapan ko.
“Matagal ka pa dyan?”
Dahan-dahan akong nag-angat ng ulo at tinanggal ang earphones ko. Walang tao. Agad kong tiningnan yung kama niya. Nakahiga siya. Mahimbing na natutulog.
Baka pagod lang ako. Baka may narinig ako sa earphones. Pero alam kong hindi galing sa earphones ang narinig kong ‘yon. Pumunta ako sa CR para tingnan kung nandun siya.
Walang tao.
Pagbalik ko sa kwarto, tahimik pa rin ang lahat. Kinabukasan, tinanong ko siya kung bumangon ba siya noong gabing iyon.
“Hindi ah. Bakit?”
Hindi ko na sinabi yung tungkol sa boses.
Simula noon, hindi na ako gumagawa ng plates kapag lights out. Kahit may deadline, naghahanap ako ng ibang lugar. Pero makalipas ang ilang gabi, nagising ako bandang alas-dos ng madaling araw.
Hindi ako agad makagalaw. Parang sobrang bigat ng buong katawan ko. Pumikit ako at hinintay na mawala yung pakiramdam. Tapos may bumulong sa tabi ng tenga ko.
“Matagal ka pa dyan?”
Nanigas ako. Hindi ako sumagot. Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko. Nandoon ang roommate ko, nakahiga sa kama niya at nakatalikod sa akin. Mahimbing na natutulog.
Tapos may narinig akong mahinang kaluskos sa pagitan ng mga kama. Napatingin ako. May nakatayo roon. Hindi ko makita nang maayos ang mukha dahil madilim, pero nang magsalita siya, pamilyar na naman ang boses.
Boses ng roommate ko.
“Matagal ka pa dyan?”
Napatingin ako sa kama niya. Nandoon pa rin siya. Hindi gumagalaw. Hindi ako makasigaw. Biglang nagsalita ulit yung nasa pagitan ng mga kama. Pero ibang boses na. Boses ng isa ko pang dormmate.
“Matagal ka pa dyan?”
Nakahiga pa rin siya. Tahimik. Tapos isa pang boses. At isa pa. Pare-pareho ang tanong.
“Matagal ka pa dyan?”
Hanggang sa tumahimik ang buong kwarto. Akala ko tapos na. May mahinang tawa sa tabi ng tenga ko. At pagkatapos, sarili kong boses ang narinig ko.
“Matagal ka pa dyan?”
Kinabukasan, sinabi kong ayoko nang bumalik sa dorm. Hindi ko sinabi sa mga kasama ko kung bakit. Pero bago ako umalis, tinanong ko yung roommate ko kung may narinig ba siyang boses noong gabing iyon.
“Anong boses?”
Hindi ko na siya sinagot. Sabay kaming lumabas ng kwarto. Naiwan naming bukas ang pinto. Ilang hakbang pa lang kami sa hallway nang may marinig kaming boses mula sa loob. Boses ng roommate ko.
“Matagal ka pa dyan?” Napahinto siya. Tumingin siya sa akin. Ako rin, tumingin sa kanya. Pareho kaming nasa hallway. At malinaw naming narinig ang boses niya—mula sa loob ng kwarto.
Kinabukasan, sinabi namin sa dorm manager na aalis na kami. Hindi na kami nagbigay ng mahabang paliwanag. Sinabi lang namin na hindi na kami komportable at gusto na naming maghanap ng ibang matutuluyan.
Makalipas ang ilang araw, nakahanap din kami ng ibang dorm. Mas malayo at mas hassle, pero mas pinili naming mag-adjust kaysa bumalik doon. Mula nang lumipat kami, wala na kaming narinig na ganoon.
Hindi ko pa rin alam kung ano yung nasa lumang dorm, o kung bakit boses namin ang ginagamit nito. Ang alam ko lang, simula noon, kapag may tumatawag sa akin sa gabi, hindi na ako agad sumasagot.
Tinitingnan ko muna kung nasaan siya.
Baka kasi hindi talaga siya ang nagsasalita.
Ang inyong tagapakinig,
Shaira
Pakinggan kung ano ang masasabi ng Tambalan tungkol sa makapanindig-balahibong kuwentong ito:

