“Sa buong araw na magkasama kami, may kasama pala kaming hindi ko nakikita.”
Dear Nicole Hyala at Titan Gelo,
Gusto ko lang ibahagi ang isang karanasan na hanggang ngayon ay nagpapatayo pa rin ng aking balahibo tuwing naaalala ko. Ako si Ron, panganay sa pitong magkakapatid at kasalukuyang nakatira sa isang tahimik na bayan sa Pangasinan. Isa rin akong myembro ng LGBTQ+ community at apat na taon na kaming magkasama ng aking nobyo.
Noong bago pa lamang ang aming relasyon, malayo kami sa isa’t isa—LDR kumbaga. Kaya tuwing may bakanteng oras, palagi kaming nagvi-video call.
Isang gabi, pagkatapos kong magligpit at maghugas ng mga pinagkainan sa kusina, napansin kong patay na ang mga ilaw at tulog na ang lahat. Mag-isa na lamang akong gising sa gitna ng katahimikan.
Biglang nag-ring ang telepono ko. Tumatawag kasi ang nobyo ko bago ang shift niya. Habang masaya kaming nagkukuwentuhan, napansin kong biglang nagbago ang mukha niya. Natahimik siya at tila may kakaibang pinagmamasdan sa likuran ko.
“Ron… may kasama ka ba riyan sa bahay niyo?” tanong niya sa isang mababang boses.
Dahan-dahan akong lumingon. Walang tao. Ang malamig na hangin lang ng gabi ang nararamdaman ko.
“Wala naman... tulog na si Mama at mga kapatid ko. Ako na lang ang gising,” sagot ko habang unti-unting kinakabahan.
Natahimik siya nang ilang segundo.
Ayaw niya sanang sabihin ang nakita niya dahil baka hindi raw ako makatulog sa takot. Pero dahil paulit-ulit ko siyang tinanong, sinabi rin niya ang dahilan.
Habang nagsasalita raw ako, may naririnig siyang malinaw ngunit paos na boses ng isang matandang babae na tila bumubulong sa mismong tabi ko.
Doon din niya ipinagtapat sa akin na bukas daw ang third eye niya at may kakayahan siyang makaramdam at makakita ng mga bagay na hindi nakikita ng karamihan.
Sa halip na tuluyang matakot at kalimutan ang nangyari, naging curious siya kung sino ang matandang babaeng naririnig niya tuwing kausap ako.
Fast forward, dumating ang araw na dumalaw siya sa amin sa Pangasinan. Pinakilala ko siya sa pamilya ko at sa ilan naming kapitbahay. Naging masaya ang buong araw. Naghanda kami ng tanghalian, nagmeryenda, nagkuwentuhan, at naghapunan nang magkakasama.
Bago kami matulog nung gabing ‘yon, habang nakatitig siya sa madilim na bahagi ng kuwarto, bigla siyang nagsalita nang pabulong.
“Ang saya ng araw na ’to... Kasi bukod sa inyo, nakilala ko rin pala si Lola at si Papa mo.”
Napatigil ako.
Pitong taon nang patay si Lola at labingsiyam na taon na mula nang pumanaw si Papa.
Hindi ako agad nakapagsalita. Sa buong araw na magkasama kami, may kasama pala kaming hindi ko nakikita.
Tinanong ko siya kung paano niya nakilala ang dalawa at kung ano ang itsura nila.
Napangiti siya.
“Yung Papa mo, medyo maliit, maputi, at palangiti. Parang ikaw. Yung Lola mo naman, medyo nakuba, maikli ang buhok, at palangiti rin.”
Napaisip ako sa sinabi niya dahil tama ang bawat detalye.
Pero may isa pa siyang sinabi na lalong nagpatahimik sa akin.
“Naalala mo nung nag-video call tayo dati? Yung gabing may naririnig akong matandang babae sa tabi mo? Si Lola mo ’yon. Kaboses na kaboses niya yung boses na naririnig ko.”
Nanlamig ako.
Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag ang lahat ng iyon. Pero habang iniisip ko ang sinabi niya, unti-unting nawala ang takot ko.
Noong nabubuhay pa si Lola, napaka-hospitable niya at mahilig talagang makipagkwentuhan sa mga bisita. Si Papa naman, kahit matagal nang wala, ay isa sa mga taong hanggang ngayon ay hindi ko nakakalimutan.
Kaya sa halip na matakot, naisip ko na baka sa sarili nilang paraan, dumalaw lang sila. Baka gusto lang nilang malaman kung sino ang taong kasama ko ngayon at kung sino ang bagong parte ng buhay namin.
Bago kami tuluyang pumikit nang gabing iyon, tumingin ako sa madilim na bahagi ng kuwarto at pabulong na nagsabi, “Pa... Lola... ‘Wag niyo naman kaming takutin, ha? Mahal na mahal namin kayo.” At pagkatapos noon, naging tahimik na ang gabi.
Maraming salamat sa pagbasa ng aking kuwento.
Ang inyong tagapakinig,
Ron
Pakinggan kung ano ang masasabi ng Tambalan tungkol sa makapanindig-balahibong kuwentong ito:

