Copyright ©2026 LOVE RADIO
Babaeng nakaputi - Ang mga Kwento ng Mahiwagang Boornay Episode 3
Babaeng nakaputi - Ang mga Kwento ng Mahiwagang Boornay Episode 3
September 9, 2026

“Laging nasa paanan ni Papa ‘yung babae. Nakaputi at umiiyak.”

Dear Nicole Hyala and Titan Gelo,

Itago niyo na lang po ako sa pangalang Rose. Dati po kaming nakatira sa Davao kasama ang kapatid ko, si Papa, at ang ex-girlfriend niya. Magkaiba kami ng kwarto ng kapatid ko, habang sina Papa naman at ang dati niyang kinakasama ay nasa kabilang kwarto.

Simula pa lang, mga kakaibang nangyayari na raw sa bahay. Minsan, may naririnig silang parang mga taong nagkukuwentuhan at nagtatawanan sa labas kahit dis-oras na ng gabi. May mga yabag din at kung minsan, parang may mga taong naglalaro o nag-pa-party.

Ang problema, kapag lumalabas sila para tingnan kung sino, wala naman silang nakikita. Ako naman, madalas wala sa bahay noon dahil nagta-Taekwondo ako, kaya hindi ko masyadong napapansin ang mga ganoong bagay.

Isang araw, nasa bakery sina Papa at ang ex-girlfriend niya. Naiwan sa bahay ang kapatid ko at dalawa niyang kaklase. Grade 8 na sila noon pero naglalaro pa rin sila ng tagu-taguan. Ewan ko ba kung anong trip nila.

Habang naghahanap ang kapatid ko at yung isa pa nilang kaklase, may narinig silang kumakatok mula sa loob ng kwarto.

Si Mark pala, isa sa mga kaklase ng kapatid ko, sumisigaw siya na buksan daw nila ang pinto.

Akala nila noong una ay nagbibiro lang siya. Pero nang subukan nilang buksan ang pinto, hindi ito bumukas. Ang mas nakakatakot, hindi naman naka-lock ang pinto. Wala rin itong doorknob. Kaya hindi nila maintindihan kung paano ito nagsara at kung bakit ayaw bumukas. Kahit anong tulak at hila nila, hindi gumagalaw.

Sa loob, umiiyak na si Mark at paulit-ulit na humihingi ng tulong. “May tao dito!” Akala ng kapatid ko ay natatakot lang siya dahil madilim. Pero nang tanungin nila kung sino ang kasama niya, bigla siyang natahimik.

Ilang segundo siyang hindi sumagot bago niya sinabi, “May babaeng nakatayo sa tabi ng kama.” Doon na sila natakot nang todo.

Hindi raw makita ni Mark nang maayos ang mukha ng babae. Ang nakita niya lang ay mahabang buhok, puting damit, at mga paa nitong nakatayo sa tabi ng kama. Hindi gumagalaw ang babae, pero umiiyak. Tahimik lang, pero kitang-kita ni Mark na gumagalaw ang balikat nito habang humihikbi.

Hindi na raw niya alam ang gagawin kaya kumatok na lang siya nang kumatok hanggang may makarinig sa kanya. Nang dumating si Papa, agad nilang sinabi ang nangyari. Paglapit niya sa pinto, nabuksan naman ito na parang walang nangyari.

Lumabas si Mark na nanginginig at takot na takot. Habang kinukuwento nila kay Papa at sa ex-girlfriend niya ang nangyari, tahimik lang si Papa. Tapos bigla niyang sinabi, “Baka takot sa akin yung babae.”

Nagulat ang kapatid ko. Parang alam ni Papa kung sino ang tinutukoy ni Mark. Doon nagsalita ang ex niya. May babae nga raw siyang nakikita sa kwarto nila. Matagal na. Lagi raw itong nasa paanan ni Papa. Nakasuot ng puti at umiiyak.

Minsan daw, paggising niya sa madaling-araw, nakikita niyang nakatayo ito sa paanan ng kama at nakatingin kay Papa. Kapag napapansin nitong gising siya, hindi ito lumalapit. Nananatili lang sa paanan ng kama habang umiiyak.

Hindi raw niya sinabi agad kay Papa dahil natatakot siyang isipin nitong nababaliw siya. Pinili na lang niyang manahimik at isipin na baka panaginip lang. Pero pagkatapos ng nangyari kay Mark, hindi na niya kayang itago.

Sabi ng mga matatanda sa amin, baka raw kamukha ni Papa ang dating asawa ng babaeng nakaputi. Baka may hinihintay itong tao at si Papa ang napagkakamalan niya. Hindi namin alam kung alin doon ang totoo. Pero may isa pang bagay na napansin ang ex niya.

Tuwing gabi, kahit sobrang init, laging may kumot sa paanan ni Papa. Kapag tinatanong namin kung bakit, sinasabi niyang nilalamig siya. Akala namin, normal lang. Hanggang isang gabi, napansin niyang hindi naman malamig ang buong katawan ni Papa.Yung paa lang niya. Hindi yung normal na malamig kapag galing sa aircon.

Sobrang lamig. Parang matagal na nakababad sa tubig.

Isang gabi, habang nakahiga siya sa tabi ni Papa, may naramdaman daw siyang malamig na bagay sa ilalim ng kumot. Akala niya paa ni Papa kaya hinawakan niya. Pero nang kapain niya... dalawang paa ang naramdaman niya sa tabi niya. Tapos may isa pang paa sa bandang dulo ng kama. Tatlong paa.

Hindi na raw siya gumalaw. Hindi na rin niya inangat ang kumot. Nanatili lang siyang nakahiga hanggang umaga at hindi na siya nakatulog nang maayos mula noon.

Hindi na namin nalaman kung sino talaga yung babaeng nakaputi. May nagsasabing baka dating nakatira sa bahay. May nagsasabing baka may namatay doon. May iba namang naniniwalang may hinihintay lang siyang tao. Pero kahit anong paliwanag, isang bagay ang hindi namin maipaliwanag: Bakit pati ibang tao ay nakakakita sa kanya?

Lumipas ang ilang buwan at tuluyan na ring umalis sa bahay ang dating kinakasama ni Papa. Kami naman, nanatili pa rin doon nang ilan pang taon. Unti-unti, naging normal na ulit ang lahat.

Wala nang nagsasalita tungkol sa babae. Parang may silent agreement kami na mas mabutingwag na lang siyang pag-usapan. Hanggang isang gabi, tinanong ko si Papa tungkol sa kanya. Akala ko matatawa lang siya o sasabihing panaginip lang lahat. Pero hindi siya tumawa. Tinanong ko siya kung bakit niya sinabi noon na baka takot sa kanya yung babae. Saglit siyang natahimik bago niya ako tinanong, “Gusto mo talagang malaman?” Sabi ko, oo. Tumingin siya sa mga paa niya. Tapos sinabi niya: “Kasi matagal ko na siyang nakikita.”

Nagtanong ako kung kailan pa. Sabi niya, “Bago pa tayo lumipat dito.”

Hindi ko na siya tinanong kung saan niya unang nakita ang babae. Hindi ko na rin tinanong kung sino ito.

Ang tanging sinabi niya ay, “Hindi naman siya masama. May hinihintay lang.” Simula noon, hindi ko na muling tinanong si Papa tungkol sa babae. Pero may isang bagay akong napansin.

Simula nang umalis kami sa bahay, hindi na siya natutulog nang walang kumot sa paanan niya. Kahit mainit. Kahit pawisan na siya. Lagi niyang sinisiguradong may kumot sa paa niya. At minsan, kapag madaling-araw at gising pa ako, napapansin kong may kausap siya. Mahina lang. Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya.

Pero isang gabi, narinig ko siyang magsalita nang malinaw. Bakit hindi ka pa umaalis? Walang ibang tao sa kwarto. Tapos biglang gumalaw ang kumot sa paanan niya. Parang may humiga. Hindi ko na pinilit alamin kung sino.

Hanggang ngayon, hindi ko alam kung sino talaga yung babaeng nakaputi o kung ano ang koneksyon niya kay Papa. Pero kung totoo man na sumama siya kay Papa kahit umalis na kami sa bahay... baka hindi pala siya nagkamali ng tao.

Baka si Papa talaga ang hinihintay niya. At kung ganoon... babaero kasi si Papa. Hahaha!

Hanggang dito na lang po muna.

Ang inyong tagapakinig,

Rose

Pakinggan kung ano ang masasabi ng Tambalan tungkol sa makapanindig-balahibong kuwentong ito:

Other Trends
Now Playing!
90.7 Love Radio Manila
Loading...