“Hanggang ngayon, hindi pa rin ako sumasakay sa unang elevator na bubukas para sa akin.”
Dear Nicole Hyala and Titan Gelo,
Itago nyo na lang po ako sa pangalang Vince, 36 years old, at isang tahimik ninyong tagasubaybay mula dito sa Quezon City. Akala ko noon, ang mga kwento ng kababalaghan ay nangyayari lang sa mga lumang bahay, sementeryo o liblib na lugar. Hindi ko inakalang mararanasan ko pala ito sa isang modernong gusali sa gitna ng lungsod.
Noong 2021, natanggap ako bilang IT support sa isang 27-storey office building. Graveyard shift ang trabaho namin kaya alas dyes ng gabi pa lang, pumapasok na ako. Dahil kaunti lang ang tao sa gabi, kabisado ko na halos lahat ng empleyado, guard, utility personnel at maintenance.
Sa lobby ng building, apat ang elevator. Tatlo ang ginagamit ng mga empleyado habang yung isa ay para sa maintenance at emergency lang.
Tuwing papasok ako, may napapansin akong matandang lalaking naka-uniporme ng janitor. Payat siya, maputi ang buhok, at palaging may dalang lumang mop bucket kahit wala naman siyang nililinis.
Ang pinakanatatandaan ko sa kanya ay ang kaliwang kamay niya. May malaki siyang marka ng paso na tila matagal nang gumaling. Madalas niya iyong tinatakpan ng manggas ng kanyang uniporme, pero minsan, kapag inaayos niya ang hawak niyang mop o binubuksan ang pinto ng maintenance area, hindi niya maiwasang makita ko iyon.
Tahimik lang siya. Paminsan-minsan, ngumingiti siya sa mga dumadaan. Napansin ko rin na kapag may paparating na elevator, hindi siya agad sumasakay. Tinitingnan muna niya ang loob. Minsan, hahayaan niyang magsara ang pinto kahit walang laman. Pagkatapos, saka siya sasakay sa susunod. Inisip ko noon, baka sira lang ang elevator o may protocol silang sinusunod.
Isang gabi, sabay kaming naghintay ng elevator. Maya-maya, bumukas ang isang elevator. Pagpasok ko sana, marahan niya akong hinawakan sa braso. “Huwag muna, iho.” Napatingin ako sa kanya. “Hintayin mo na lang yung kasunod.” Magalang naman ang pagkakasabi niya kaya hindi ako tumutol.
Makalipas ang ilang segundo, dumating ang pangalawang elevator at iyon ang sinakyan ko. Pagdating ko sa opisina, nagkagulo ang lahat. ‘Yung unang elevator na dumating sa lobby, bigla raw huminto sa pagitan ng dalawang palapag. Mahigit isang oras ding na-trap sa loob ang mga sakay. Naalala ko tuloy ang matandang janitor. Napaisip ako. Nagkataon lang kaya?
Lumipas ang ilang linggo. Minsan naman, pababa ako para bumili ng midnight snack. Bumukas ulit ang elevator. Bago ako makapasok, nandoon na naman ang matanda. Tahimik niya akong tiningnan. “Huwag muna.” Sinunod ko ulit siya.
Pagkaraan ng ilang minuto, nalaman naming nagkaroon ng electrical fault ang elevator na iyon. Hindi naman malubha pero kinailangan ulit itong ipaayos. Doon na ako nagsimulang magtaka. Paano niya nalalaman?
Minsan, sinubukan kong hanapin siya para magpasalamat. Nagtanong ako sa isang guard. “Kuya, nasaan po yung matandang janitor?” Napakunot-noo siya. “Sinong matandang janitor?” “’Yung maputi po ang buhok. Payat. Laging may dalang mop.”
Napailing siya. “Wala kaming ganyang janitor dito.” Akala ko nagbibiro lang siya. Kaya pati sa housekeeping supervisor, nagtanong din ako. Ipinakita pa niya sa akin ang listahan ng lahat ng utility personnel. Wala ang matanda. Hindi na nawala sa isip ko iyon.
Isang gabi, habang nag-aayos ako ng computer sa 23rd floor, nakakwentuhan ko ang isa sa pinakamatagal na empleyado sa building. Nabanggit ko sa kanya ang matandang janitor.
Bigla siyang natahimik. Pagkatapos ay tinanong niya ako. “Maputi ba ang buhok?” “Opo.” “May dala bang lumang mop bucket?” “Opo.”
Sandali siyang tumingin sa akin bago muling magsalita. “May marka ba siya sa kaliwang kamay?” Nanlamig ako. “Sabi ko na nga ba.”
Mahigit sampung taon na raw ang nakalipas nang magkaroon ng malaking aksidente sa gusaling iyon. Nasira ang isang elevator habang may maintenance.
Ayon sa kanya, may isang janitor daw ang paulit-ulit na nagpapaalis sa mga empleyadong gustong sumakay. Ilang segundo lang ang lumipas, bumigay ang elevator.
Marami sana ang nadamay kung hindi dahil sa kanya. Habang tinatangka raw niyang iligtas ang mga tao at ayusin ang emergency system, nagkaroon ng pagsabog sa loob ng elevator shaft. Doon nanggaling ang matinding paso sa kaliwa niyang kamay. Kasama raw siya sa mga nasawi.
Hindi ko alam kung paniniwalaan ko ang kwento niya, pero simula noon, mas napansin ko ang matanda. Hindi naman gabi-gabi. Kung minsan, mawawala siya nang ilang linggo tapos bigla ko na lang ulit siyang makikita sa lobby. Tahimik lang. Parang may hinihintay.
Noong huling gabi ko sa kompanyang iyon bago ako lumipat ng trabaho, nadaanan ko ulit siya. Ngumiti ako. “Sige po, mauna na ako.”
Bahagya lang siyang tumango. Habang papasok na sana ako sa elevator, narinig ko siyang magsalita. “Mag-iingat ka palagi.” ‘Yun lang.
Paglingon ko para magpasalamat, wala na siya. Hanggang ngayon, hindi ko alam kung sino talaga ang matandang iyon, pero naniniwala akong hindi lahat ng nagpaparamdam ay nananakot. May iba sigurong nananatili dahil may gusto pa silang protektahan.
Hanggang dito na lamang po.
Ang inyong tagapakinig,
Vince
Pakinggan kung ano ang masasabi ng Tambalan tungkol sa makapanindig-balahibong kuwentong ito:

