Kapag tayo ay nagke-kwento tungkol sa ating kabataan, totoo naman na ang lahat ng ating experience ay naging makulay.

Maraming naging factors kung bakit naging makulay ang ating kabataan: mga kasama sa buhay, mga kaibigan, ‘yung mga laro na ating ginawa, marahil pati mga pagkaing ating pinagsaluhan, at malamang hindi kayo makatatanggi na naging bahagi ng buhay kabataan natin ang mga novelty songs.

Photo Credit: Discogs / Discogs

Bago pa man maging patok ang mga novelty songs, mayroon nang nagpasikat ng mga iyan noong 1970s hanggang 1980s, sa katauhan ng yumaong Yoyoy Villame. Ilan sa mga pinasikat niyang mga kanta ay ang “Mag-exercise Tayo” (1977), “Philippine Geography” (1977), at “Butse Kik” (1980).

Dekada 90 hanggang sa mga huling taon ng dekada 2000, naging patok sa pandinig ng mamamayan ang mga novelty songs. Kadalasan, ang mga novelty songs na ito ay nagpapa-indak at nagpapasayaw sa atin. Mayroon ding mga paksa ang mga awitin na tumutukoy sa pamilya, sa bayan, at pagkakaibigan.

Ang ganda nga namang may bahagi ng ating panahon bilang mga Pilipino na tayo ay pinaliligaya at pinaiindak ng mga novelty songs at marahil hanggang ngayon, sila ay bahagi pa rin ng ilan nating mga Gawain. Pero tingnan naman natin ngayon kung sinu-sino ba sa industriya ang bumuo ng childhood natin sa pamamagitan ng mga novelty songs.

APRIL BOY REGINO

Photo Credit: Star Cinema- ABS CBN

Isa na siguro sa mga sikat na novelty songs ay ang “Yeye Vonnel” (2004) ng yumaong April Boy Regino.

Naging laman ng mga party, stage at production numbers ang kanyang mga kanta dahil na rin sa relatable ito sa mga tao. Bukod dito, naging popular din si April Boy sa kanyang signature outfit pati na rin sa mga kantang “Umiiyak ang Puso,” “Paano ang Puso Ko,” at “’Di Ko Kayang Tanggapin” na kanyang ni-release noong 90s.

MASCULADOS

Photo Credit: Walang True Love Blog

Ang Masculados ay binubuo nila Zoltan Amore, Omar Principe, Bok, Kiro Amirati, Lexter Lazaro, Robin Robel, at Ailex De Asis.

Mula sa kanilang mga pangangatawan, maskulado kung tawagin, nabuo ang pangalan ng kanilang grupo. Ang brand din ng kanilang mga awitin ay para sa mga kalalakihan.

Ilan sa mga kantang ito ay ang “Lagot Ka” (2003), “Jumbo Hotdog” (2004), “Sana Mama,” “Macho Papa,” “Titigas Lalambot,” “Gigil,” “Hawakan Mong Mabuti,” at “Macho na si Santa.”

BAYANI AGBAYANI

Photo Creit: Philippine Star

Bukod sa pagiging komedyante at laman ng iba’t ibang mga pelikula, naging popular din si Bayani Agbayani dahil sa ilang mga kantang nagpasayaw sa madla.

Siyempre, sino ba namang makakalimot sa “Otso Otso” na nagtaas-baba sa ating mga likod at nagpaikot sa ating mga braso.

Ilan pa sa mga kantang pinasikat ni Bayani ay mula sa kanyang “Ito ang Gusto Mo” (2004) album ay ang “Pag Puti na ang Uwak,” “Si Misis,” “’Pag Andres na Ako,” at “Atras Abante.”

MICHAEL V.

Photo Credit: PEP

Bukod sa kaliwa’t kanang mga pelikula at mga sitcom, isa sa mga bahagi ng career ni Michael V ay ang mga novelty songs.

Ilan sa kanyang mga kanta ay siya mismo ang sumulat at nag-perform. Ilan sa mga album na kanyang nai-release noong 90s ay ang “Maganda Ang Piliin” (1991), “Joke Time” (1991), “Gusto Kong Sumigaw!” (1994), “MTB: Myusik Tagalog Bersiyon” (1997), “MEV: Music English Version” (1997), at “Miyusik Tagalog Bersiyon 2” (1998).

Ilan sa mga pinasikat niyang mga kanta ay ang “Hindi Ako Bakla” (2008), at “Sinaktan Mo ang Puso Ko.”

VIVA HOT BABES

Photo Credit: PikaPika

Kung pa-sexyhan lang din naman ang labanan sa novelty songs, hindi diyan nagpahuli ang Viva Hot Babes.

Binubuo ng mga model at mga aktres tulad nila Maui Taylor, Katya Santos, Andrea del Rosario, Jen Rosendahl, Gwen Garci, Myles Hernandez, Kristine Jaca, Hazel Cabrera, Sheree, at Pam Sarmiento.

Ilan sa mga kanta nilang nagpa-indak sa mga Pinoy ay ang “Basketbol” (2003), “Bulaklak” (2003), at “Kikay” (2003).

SEXBOMB GIRLS

Photo Credit: YouTube

Kung ang Viva Hot Babes ay pa-sexyhan ang labanan, gilingan at palambutan naman ang katawan ang panglaban ng Sexbomb dancers!

Ang mga dancers sa noon time show ng Eat Bulaga ay binubuo nila Rochelle Pangilinan, Debbie Ignacio, Che-Che Genove, Janine Reyes, Aira Bermudez, Jane Lao, JB Cifra, Cherrie Nhorren Ingal, Jopay Paguia, Michelle Reyes, Izzy Trazona, Mia Pangyarihan, at Yvette Lopez.

Patok sa mga bata ang kanilang mga dance craze songs katulad ng “Spaghetti” (2003), “Bakit Papa” (2005), “Halukay Ube” (2004), at “Pretty Little Baby” (2005).

JOEY DE LEON

Photo Credit: Philippine Star

Lubos siyang nakilala sa noon time show na “Eat Bulaga” at noon pa man ay laman na siya ng mga pelikula, karamihan sa mga iyon ay mga comedy films.

Parte rin ng career ni Joey de Leon ang novelty songs. Nakapag-release siya ng mga album katulad ng “Joey to the World 1 & 2” at mga popular na kanta katulad ng “Kagat Labi” (2008), at “Itaktak Mo” (2007).

GLADYS AND THE BOXERS

Photo Credit: Gaana

Ang Gladys and the Boxers ay binubuo nila Gladys Guevarra at K Brosas. Nagsimula ang career ni Gladys sa Eat Bulaga kung saan siya ay komedyante at isang voice impersonator.

“Sasakyan Kita (2004),” ito ‘yung pinaka-popular na kanta na kanilang nai-release. Ilan pa sa kanilang mag kanta ay ang “Chenelin,” “Ako’y Napapa-uhhh,” at “Ngumiti-ngiti.”

VHONG NAVARRO

Photo Credit: Alchetron

Isa na siguro sa pinakamaraming entry sa mga novelty songs si Vhong Navarro. Bukod sa pagiging host at full time na aktor, naging bahagi din ng kanyang career ang pag-perform ng mga novelty songs.

Ilan sa mga pinasikat niyang mga kanta ay “Pamela One” (2004), “Totoy Bibo” (2008), “Cha-Cha-Cha” (2008), “Supahpahlicious” (2008) at “Don Romantiko.”

WILLIE REVILLAME

Photo Credit: Manila Bulletin

Isa si Kuya Wil sa mga may patok na patok na novelty songs habang siya ay host pa ng programang Wowowee noon sa ABS-CBN. Lahat ng kanyang mga novelty songs noon ay mga pasayaw at paindak.

Ilan sa mga awiting pinasikat ni Kuya Wil ay ang “Boom Tarat Tarat (2006),” “Beep Beep Beep (2008), “Pito Pito,” “Kendeng Kendeng,” at “Iyugyog Mo.”

So ano, Kabisyo? Naalala mo ba ‘yung childhood mo? Malamang ‘yung iba diyan, sinayawan mo pa?

Kapag may nakalimutan kami, i-comment mo lang diyan sa baba para makasayaw din kami.

Comments

We use cookies to ensure you get the best experience on LoveRadio.com.ph. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. Find out more here.