Top 12 finalists, tumingkad sa kanilang advocacies sa Queens for a Cause
October 1, 2021
Sa pangatlong competition leg na Queens for a Cause nitong September 25, tumingkad ang inner beauty ng Top 12 finalists matapos nilang ipakilala ang kani-kanilang mga advocacies.
Ang Queens for a Cause ay bagong competition ngayong taon sa Aliwan Fiesta Digital Queen kung saan binigyang focus ang mga advocacy ng ating mga kandidata. Binigyan ng ilang minuto ang mga kandidata para ipaliwanag ang lahat ng tungkol sa organization, ang mga objectives nito, ang mga target beneficiaries, pati na rin ang mga contribution na nailaan ng mga kandidata para dito. Para mas lalo pang maipakilala ang kanilang advocacies ay tinulungan sila ng isang moderator na walang iba kundi si Ms. Karen Ow-yong ng DZRH Manila.
Sinuportahan ni Angelie Gabrielle Estrada ng Puerto Princesa City ang ‘Gulayan ni Minan,’ isang proyekto ng Life Care Community Services Foundation, Inc. para sa mga bata mula sa Tagbanua Tribe ng Sitio Bubusawin sa Barangay Apurawan. Layunin ng kanilang vegetable garden project na makapagbigay ng ibang source ng pagkain at nutrisyon para sa mga batang malnourished.
Si Coleen Beatrix Alcarde naman ng Iloilo City ay proud member of iLead Trainings. Ang youth-oriented organization na ito ay binuo noong 2009 at naniniwala sila na walang pinipiling edad ang tinatawag nilang ‘impact leadership.’ Paniniwala rin ng grupo na ang bawat bata ay deserving sa edukasyon, sa magandang hinaharap, at mga pagkakataon.
Ang pride ng Zamboanga City na si Sharmaine dela Cruz ay para sa mga Badjao sa kanilang lugar. ‘Ayuda Badjao’ ang pangalan ng kanyang advocacy kung saan nagbibigay sila ng school supplies sa mga bata. Naniniwala si Sharmaine na ang edukasyon ay kapangyarihan at kayamanan. Layunin din ng kanyang advocacy na ma-preserve ang mga indigenous people sa kanilang lugar.
Si Keith Arboleda ng Echague, Isabela ay nag-organize ng mga community pantries para sa mga Yogad sa kanilang bayan. Nag-volunteer din si Keith sa outreach program ng Echague na nagsasagawa ng mga book drive, distribution of school supplies, at pagbibigay ng food packs para mga indigents.
Ipinakilala naman ni Shealtel Kyle Cahilig ang ‘Basura Baylo Bugas’ ng Aklan Trekkers sa Malay, Aklan. Layunin ng grupo na mag-promote ng sustainable community tourism at pagbawas ng plastic pollution sa mga community sa paghikayat sa mga residente na mangalap ng mga plastic waste at ito’y ilalagay nila sa isang container. Kukunin ito ng mga trekker at bibigyan nila ng food supplies ang mga residente bilang kapalit.
Suportado naman ni Jayvee Lyn Lorejo ng Mawab, Davao de Oro ang LGBTQIA+ community sa kanilang lugar. Dadaloy ang kanyang advocacy sa pamamagitan ng digital technology at social media. Hangad ni Jayvee na ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community ay mamuhay na ligtas, tanggap, at inirerespeto ng kanilang kapwa.
Ang kandidata mula sa San Manuel Isabela na si Vjie Matias ay kasapi ng ‘Isabelaban’ na tumutulong sa kanilang mga kababayan sa pamamagitan ng tree planting project, cleaning drive, volunteer teaching, school supplies distribution, at feeding program. Ayon kay Vjie, nag-umpisa ang Isabelaban nang masalanta ng Bagyong Ulysses and Isabela noong Nobyembre 2020.
Suportado ni Shanyl Kayle Hofer ang Cebu Market Vendors Multi-Purpose Cooperative sa Minglanilla, Cebu. Ang kooperatiba ay grupo ng mga vendors sa Carbon Market. Nais ni Shanyl na tulungan ang mga micro, small, and medium business owners na naapektuhan ng mga lockdown sa gitna ng pandemya.
Nangibabaw naman kay Jeramie Mingo ng Iligan City ang kanyang pagiging teachers sa kanyang advocacy. Gusto niyang ma-appreciate ng mga taga-Iligan ang mga Badjao sa kanilang lugar. Inilarawan ni Jeramie ang mga Badjao bilang magagalang, masiyahin, humble, hospitable, at laging nagpapasalamat.
Ang kandidata mula sa probinsya ng Pangasinan na si Chynna Kaye Verosil ay miyembro ng ‘Go Bikers’ na nagsasanay ng mga kabataan na maging emergency responders. Lumilibot sila sa mga komunidad para makapagbigay ng basic health care services katulad ng checking of blood pressure at blood sugar levels sa mga residente.
Sa ‘Hueag Akean’ nakatuon ang advocacy ni Cherry May Regalado ng Kalibo, Aklan. Layunin nito na maihanda at makapagsanay ang mga kabataan para maging varsity players ng ‘Pencak Silat’ para makasali sa mga competitions sa loob at labas ng bansa. Ang purpose ni Cherry May ay makapagsanay pa ng mga panibagong international athletes.
Samantala si Krysti Ann Villarias ng Cabadbaran City, Agusan del Norte, ang focus niya naman ay mawala na ang negative stereotypes sa mga differently abled persons. Dahil ang kanyang dalawang pinsan ay may cerebral palsy condition, ito ang nag-motivate sa kanyang mag-volunteer sa organization na tumutulong sa mga differently abled persons.
Tunay ngang ang mga kandidata ay hindi lang ganda at talino, mayroong din silang puso para sa iba. Lalo nating makikita ‘yan sa kanilang mapapanalunan, kung saan ang parehong halaga nito ay mapupunta sa kanilang chosen charitable program.
Ang lahat ng competition legs pati na rin ang coronation night ay mapapanood sa DZRH TV, kasama na ang lahat ng social media platforms ng MBC: mula sa DZRH News AM band, at sa FM band na Love Radio, Yes The Best, Easy Rock, Radyo Natin, at Aksyon Radyo.
Ang Aliwan Fiesta Digital Queen 2021 ay hatid sa atin ng Unique toothpaste, Charm fabric conditioner, White Rose Papaya whitening soap, TNT, Palmolive Naturals Ultra Smooth, Shopee at Alfonso Light Brandy.
Para sa iba pang mga detalye: maaari niyong i-follow ang Aliwan Fiesta sa Facebook, Twitter at Instagram.

COMMENTS