Masakit sa isang ina na makitang umiiyak ang kanyang mahal na anak

September 12, 2018

Love Radio

Sabi ng karamihan, wala raw kwentang ina ang ating letter sender.

Nabuntis siya ng kanyang ex boyfriend, pero naghiwalay din sila agad dahil nakabuntis din ito ng isang babaeng kakakilala lang niya kamakailan.

Pagkatapos nilang maghiwalay, natakot siya sa isang malaking responsibilidad na kanyang kakaharaping mag-isa.

Nakapanganak siya ng matiwasay, pero bumabagabag sa puso niya ang kakaharapin na buhay ng kanyang anak.

Wala na siyang mga magulang dahil ang nanay niya ay hindi man lang niya nakita at ‘yung tatay naman niya ay may iba ng pamilya.

May kasama siya, pero ito ay ang kanyang mga lolo at lola na may mga edad na rin at masasabing “alagain”.

Naaawa siya sa anak niya dahil nagtitiis lang ito sa isang mumurahing gatas na hindi naman talaga makapagbibigay ng sapat na sustansya. Ang pwet nito ay puno na ng sugat dahil sa mumurahin lang din na diaper na sinusuot nito.

Hindi maganda ang naging buhay nila. Dumating sila sa punto na kakailanganin nitong maki-inom ng gatas sa kapitbahay nila na may breastmilk.

Naawa sa kanya ang pinsan niya kaya inofferan siya nito na ipaampon ang kanyang anak sa amo nito na engineer.

Hindi siya pumayag, pero nang dahil sa kagipitan sa buhay, mas pinili na lang niyang isakripisyo ang pagsasama nila ng kanyang anak para magkaroon ito ng magandang buhay.

Nakipagkita siya sa mga aampon sa bata at ibinigay na ang kanyang anak sa mga ito. Niyakap niya ng mahigpit, pero hindi na lang ulit siya tumingin dahil sobrang sakit na ng nararamdaman niya.

Pagkakuha sa bata ng mga umampon, dumiretso sila sa Pedia para mapakonsulta at dito nalaman na may sakit ang kanyang anak.

Ibinili ang bata ng mamahaling gatas at lahat ng mga kailangan nito.

Ang batang nakasanayan niyang kasama ay wala na. Hindi na niya kapiling ang kanyang pinakamamahal na anak.

Darating daw ang araw na magkakasama raw ulit sila ng anak niya. Sasabihin daw sa bata na inampon lang siya. Hindi raw ito ipagdadamot sa kanya ayon sa mga umampon dito.

Mahirap magsakripisyo, pero para ito sa ikagaganda ng buhay ng anak niya.

Comments