• 90.7 LOVE RADIO

    Sa loob ng halos apat na dekadang pagsasa-himpapawid sa radyo ng 90.7 Love Radio sa FM band, hindi na lamang basta-basta kinilala ang istasyon bilang isang simpleng himpilan ng radyo, kung hindi maging isang impluwensiya na sa masang Pilipino.

    Nag-simula noong 1946 sa AM band sa call sign nitong DZMB, itinatag ito bilang kauna-unahang music station sa Pilipinas. Lumipat sa FM band ang DZMB noong 1975 na siyang naging hudyat ng pag-sibol ng Love Radio network sa Luzon, Visayas at Mindanao.

    Naunang napakinggan sa 90.7 Love Radio ang mainstream pop, na ‘di kalauna’y naging easy listening music. Hanggang sa ngayon, hindi mapapantayan ang kalidad ng mga palatuntunang ibinabahagi ng istasyon mula sa DJs hanggang sa music format na middle-of-the-road songs, contemporary hit tunes at mga ‘di matatawarang alternative at modern rock hits.

    Sumasahimpapawid sa 25,000 watts, inaabot ng isa sa nangungunang radio stations ng Manila Broadcasting Company ang mga tagapakinig ng radyo mula Metro Manila at piling bahagi ng Quezon, Nueva Ecija, Bataan, Zambales, Rizal Province, Bulacan, Laguna, Cavite, Batangas, Pampanga, Tarlac at Pangasinan.

    Pagpasok ng taong 2000, hindi na nagpaawat ang 90.7 Love Radio at patuloy na naging patok sa pandinig ng masang Pilipino. Ang taglines nitong “Kailangan Pa Bang I-Memorize Yan?” at “Bisyo Na ‘To!” ay naging pang-araw-araw na bahagi na ng pakikipagtalastasan ng masang Pinoy. Noong 2003, kinilala na nga ang 90.7 Love Radio bilang #1 FM radio station ng radio research firms at survey entities.

    Taong 2005, nabuo ang Tambalang Balasubas at Balahura ni Chris Tsuper at Nicole Hyala, dahilan para lalo pang umigting ang pangunguna ng istasyon sa survey at maging sa tenga ng mga taga-pakinig ng radyo.

    Dahil sa patok na tandem nina Chris Tsuper at Nicole Hyala tuwing umaga, naging bahagi at ugali na ng karamihan sa mga tahanan ang tumutok tuwing umaga sa tinaguriang balasubas at balahura ng radyo.

    Sa pamamagitan na patuloy na pagkiliti sa pandinig ng masang Pilipino gamit ang kombinasyon ng music format at programa sa radyo, ang 90.7 Love Radio ngayon ang kauna-unahang himpilan ng radyo sa Metro Manila na nakapagtala ng pagiging #1 FM radio station sa loob ng magkakasunod na labindalawang taon.

  • Manila Broadcasting Company

    Ang Manila Broadcasting Company ay isa sa pinaka-unang broadcast institution sa Pilipinas.

    Matapos ang World War II, pinalitan ni Don Manolo Elizalde ang pamumuno ng mga Heacock (ang dating nagmamay-ari ng KZRH) at nagpa-tayo ng bagong studio sa taas ng Insular Life Building sa Plaza Cervantes sa loob ng apatnapung (40) araw matapos ang Liberasyon.

    Taong 1949 nang sinimulang mag-broadcast sa buong bansa ang KZRH (kilala ngayon bilang DZRH) – na naging kauna-unahang himpilan ng radyo na makaabot sa mga taga-pakinig mula sa hilagang Basco hanggang sa katimugan ng Jolo. Sa loob ng dekada ‘50 at dekada ‘60, naitaguyod nila ito bilang nangungunang istasyon sa pag-babalita at entertainment sa Pilipinas – ang katangian na kanilang pinanghahawakan hanggang sa ngayon.

    Kasunod ng pagkaka-kuha nila sa DYRC Cebu, na ngayon ay Aksyon Radyo, lumawak ang kanilang naaabot sa FM band sa pamamagitan ng DZMB (mas kilala ngayon bilang 90.7 Love Radio) – na sa kalaunan ay nadagdagan ng 101.1 Yes! FM, at ang pinaka-bago, ang 96.3 Easy Rock. Sa tulong ng mga provincial partners, isinilang ang Radyo Natin network na umaabot maging sa kasuluk-sulukang bahagi ng bansa.

    Noong 2008, sinimulan ng MBC i-ere ang RHTV sa telebisyon sa pamamagitan ng Skycable, na kalaunan ay lumipat sa Dream Satellite, Cable Link at Cignal Digital Television. Pinasok din ng MBC ang special events at nagpatuloy na magbigay sa kanilang mga taga-pakinig ng iba’t-ibang aktibidades na nagtatampok ng rehiyonal at pambansang karangalan.

    Ngayon, nagkalat ang mga istasyon ng radyo sa buong kapuluan at nagagawa ng maabot ng MBC ang mga Pilipino kahit saang sulok ng bansa maging ang ating mga kababayan na nasa ibayong dagat sa pamamagitan ng internet. Nagpatuloy itong maging saksi sa kasaysayan ng Pilipinas, habang pinapanatili ang mataas na pamantayan ng pamamahayag.